Multong Bahay (43)

LUMABAS na ang mga magulang sa silid ni Agyana.

Saka lang makikitang lumabas din ang multong buhay sa sulok na pinagtataguan nito.

“Salamat naman at hindi ka nagpakita kina Itay at Inay.”

“Paano naman ako hindi sumunod sa iyo, nagawa mo akong itulak doon sa sulok. Ang lakas mo!”

“May kakaiba akong lakas, totoo. Dahil hindi naman talaga ako ordinaryong tao. Isa akong cleansed na kaluluwa mula sa purgatoryo.”

“Kaya may kapangyarihan ka?”

“Hindi ba nagawa ka ngang multong buhay ng mga cleansed na kaluluwa ng mga ninuno mo?”

“Kaya puwede rin nila akong ibalik sa dati? Puwede akong maging Agyana muli at ikaw naman ay makabalik sa purgatoryo! Hindi ba?”

“Nasa iyo ang kasagutan, nasa iyo ang pagbabalik sa dati ng lahat.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Kapag nakabayad ka na sa mga kasalanan mo, kapag nagsisi ka na, kapag nakagawa ka na ng mga kabutihan.”

“Iyon lang naman pala! Gagawin ko lahat ‘yan!”

“Kailangan totoo, kailangan hindi mo minaniobra lang. Kailangan nangyari ang mga pagsasakripisyo mo.”

“Kinukumplikado n’yo naman para lang pahirapan ako!”

“Makinig ka sa akin, multong buhay. Mula nang ikaw ay isinumpa at pinarusahan ng mga ninuno mo, wala ka pa talagang na-accomplish para sa kabutihan ng iyong pagkatao. Kahit ganyan na ang itsura mo, wala ka pa ring pagpapakumbabang-loob.”

“Ngayon mo ako inaasahang maging santo sa ganitong itsurang nakakadiri? Paano ‘yon? Imposible!”

“Imposible kapag matayog ka pa rin. Kapag hindi mo nahanap ang iyong puso.”

“Ang daming kaartehan! Babalikan kita! Kukuha ako ng kapangyarihan sa ibang source! Kahit kay Satanas! Kung kapangyarihan mo ga­ling sa purgatoryo, ang makukuha ko ay manggagaling sa demonyo! At alam ko, matatalo kita!”

Doon naligalig ang kaluluwa ni Ravina.

“Sana huwag mong gawin ‘yan. Dahil mangyayari ang hindi ko gustong mangyari. Huwag mo nang i-challenge ang mga cleansed na kaluluwa ng iyong mga ninuno. Dahil baka ang makakaaway mo na ay ang ... banal na Diyos.”

-  ITUTULOY

Show comments