Pangalawang Anino (539)

BUMUBULUSOK na si Ariel sa ibaba nang maparalisa ang buong katawan  dahil sa kagat ng makamandag na mga ulo ng ahas.

“AAAAAAAAHHHHH!”

Ngayon naluluha si Ariel.

Mamamatay na siyang hindi man lamang masilayan kahit konti si Angela.

SI ANGELA ay nakaramdam din ng kakaiba.

Napansin iyon ni Pio, ang nagbabalatkayong prinsepe ng kadiliman.

“O, bakit?”

“Kabang-kaba ako! May nangyari kaya kay …Ariel?”

“Sino si Ariel?” Nagkunwaring walang alam ang prinsepe.

Nahihiyang ngumiti si Angela. “Siya ang lalaking mahal ko. Nandoon siya sa amin. Napahamak siya. Dahil din sa akin. Pero alam ko, magkikita pa rin kami. At magkakaayos kami. May plano na ka­ming pakasal, e.”

“Ano kaya ang nangyari sa kanya?”

“Kaba lang naman. Hindi ko alam.”

Pero naramdaman din iyon ni Pio.

Ang pagbuhos bigla ng mga nalalabing kapangyarihan ng kanyang ama sa lupang ito.

May mga halimaw na lumakas at ang biktima ay si Ariel.

Kahit papaano ay nabuhayan ng loob  ang prinsepe. Nahipo man siya ng kabaitan sa bundok na banal, likas pa rin ang pagpanig niya sa kanilang puwersa.

Pero naaawa naman siyang napatingin kay Angela.

Sa sarili lang nasabi: Pasensya ka na, ang tanga mong boyfriend ay durug-durog na babagsak sa ibaba ng banal na bundok. At paralisado na ang buong katawan niya sa tuklaw ng mga ahas na alagad namin.

Pero napaigtad si Pio.

May ibang naramdaman. Pagkatalo ng kanilang puwersa.

Parang natunaw na likido ang higanteng ahas na may limang ulo.

At si Ariel ay hindi bumagsak sa mga batuhan sa ibaba.

Dahil may sumalo sa kanyang mga ulap, kaylambot-lambot ng hinihigaan ni Ariel.

“I-imahinasyon lang ba ito? P-patay na ba ako kaya lumulutang na lang?”

At patuloy siyang inaangat … inaangat patungo sa itaas ng bundok na banal. Itutuloy

Show comments