Pangalawang Anino (482)

TAKA, takot, alam kasi ni Angela na imposibleng gagawin  ito ng tunay na Arturo.

Na huwag siyang ibalik sa simbahan at kay Nanette, kundi dadalhin dito sa  Atom.

Noong isa pa lamang normal na unang anino, walang sariling pagkatao, may awareness na rin siya.

Alam niya na noong kabataan ni Yawan ay sa Itom sila nakatira. Isang lugar ng mga demonyo.

Nandidito ang hari ng mga demonyo, nandidito ang mga sumasamba sa kanya. Alam niyang dito rin nakatira si Tagapag-alaga.

Ang kanang-kamay ng demonyong nagpapala kina Yawan at Yawanaya. Alam niya ang lahat na ito.

Kaya takot na takot siyang tinanong ang kahawig ni Arturo. “Sino ka ba talaga? Ang mukha mo ay Kuya Arturo pero hindi ikaw siya!”

Ngumiti si “Arturo”.

At sa isang iglap ay kita na ang tunay nitong anyo. Isang napakisig na lalaking ngayon lang niya nakita, may maliliit na sungay sa ulo.

Hindi nakapagpapangit dito ang mga sungay kundi nagbigay pa ng karakter ng pagiging isang maharlika ng kasamaan.

“Ako ang iyong prinsepe. Yumukod ka.” Marahang utos nito pero may diin.

Nayanig pa rin si Angela kahit pa may kutob na siya kung ano ang lahat na ito.

“Hindi! Hindi ako yuyukod sa kasamaan!”

“Kahit masasaktan ka?” Ang galit ay nanunungaw na sa mga maiitim na mata.

“Ibalik mo na lang ako sa pinanggalingan ko. Tagaroon ako. Iyon ang tahanan ko. Irespeto n’yo naman ‘yon!”

“Anino ka lang ni Yawan, tagasunod. Ipinanganak si Yawan na nasa panig namin kaya wala kang karapatang mamili kung saan mo gusto.”

“Kahit anino lang ako, may sarili na akong pagkatao. At pinili ko na ang mabait na Diyos!”

“Hindi ako nagpaka­pagod na kunin ka at dalhin dito sa lugar ng aking ama, magpapaka­tigas lang pala ang ulo mo! Hindi ka ba talaga yuyukod?”

Matigas na umiling si Angela. “Patayin mo na lang ako. Mamamatay akong hindi magbabago ng aking paniniwala. Mananatili sa panig ng kabutihan.”     - ITUTULOY

Show comments