Pangalawang Anino (430)

NAGTATAKA na rin si Yawan sa mga sagot ni Arturo. “Hindi mo na ba natatandaan ang mga usapan natin, Arturo?”

Kahit nakakaramdam ng takot, dahil tunay na lalaki, nagsalita si Arturo. “Ni hindi kita nakita ng mahigit na isang taon, Yawan. Paano ko masasabing nagkausap tayo kailan lang sa beach?”

“Pero nangyari talaga ‘yon. Nagulat nga ako nang makita kita. Umiwas ako pero hinabol mo ako. Kaya nagkausap tayo. At nasundan pa ang pagkikitang ‘yon. Ang ... dami mong sinabi sa akin na ... nagpasaya sa akin, Arturo.”

Lalong kinilabutan si Arturo pero nagpakatatag.

Wala naman siyang balak na takasan na lang si Yawan.

Kailangan din kasi niyang malaman kung paano nangyari ang mga sinabi nito nang wala siyang alam?

“Puwede pa naman tayong mag-usap uli, Yawan. Saan ka ba nakatira ngayon?” Dahil bilang magkaibigan, okay lang naman sigurong dalawin kita at magkuwentuhan tayong muli.”

Natuwa na si Yawan.

Nawala kahit konting hinanakit.

“Wala akong tinitirhan dito sa Maynila, Arturo. At malayo ‘yung lugar ko na may beach. Pero huwag kang mag-alala, madali naman akong makakuha ng kahit kuwarto lang na uupahan, e.”

“Sigurado ka? Ligtas naman kaya ‘yung makukuha mo?”

“Titiyakin ko. Huwag kang mag-alala. Ibigay mo sa akin ang celfone number mo para ma-text agad kita kung saan ako  nakatira.”

Ngumiti si Arturo. “Okay, friend.”

Okay lang din naman kay Yawan na friend ang tawag sa kanya ni Arturo. Mahal niya ito pero hindi siya nagmamadali. Ang ganda ng pagtanggap sa kanya sa muli nilang pagkikita, ano pa ba ang kulang?”

ANG prinsepe ng kadiliman ay ‘di mapigil ang kagustuhang makita si Nanette kaya inii-stalk niya ito sa isip. Nakikita niya ang kagandahan at kabaitan nito.

Na nagpapasaya sa kanya.

At nagpapaligalig din.

Bakit ba siya na anak ng panig ng kasamaan ay nagkakaganito?

Itutuloy

Show comments