Pangalawang Anino (95)

LUMAPIT si Sheila kay Inang Maria. “Pasensya na ho kung may nangyaring mali. Pero akala namin talaga ay pinatay kayo ni Yawan at hirap namin ‘yung matanggap. Salamat sa Diyos at buhay kayo. Ibig sabihin, napakalaki ng pag-asang matatalo namin ang mga masasama. Hindi kami mauubusan ng banal na tubig na effective na panlaban kina Yawan.”

Kumurap muna si Inang Maria bago sumagot. “Tama. Magtiwala kayo sa akin at sa banal na tubig.”

“Tamang-tama po dahil malapit nang maubos ang aming baon na banal na tubig sa bahay. Makakahingi na ho kami sa inyo.”

Ngumiti si Inang Maria. “Oo. Pumunta kayo sa ... aking bahay. Bibigyan ko kayo.”

“Magsiuwian na tayo. Tapos na ang problema. Walang krimen! Buhay na buhay si Inang Maria.” Halos itinaboy na sila ng hepe paalis ng ospital.

TAHIMIK lang si Arturo habang inihahatid niya ang mag-ina.

“Art, ano’ng nasa isip mo? Mukhang malalim. Si Inang Maria ba?”

“Hindi ako namalikmata, maniwala kayo. Talagang pinatay siya ni Yawan. Ang hindi ko maintindihan, paano siyang nabuhay?”

“Baka dahil ... banal siya kaya wala siyang kamatayan?”

“Pero nagsinungaling siya. Iba ang sinabi niya sa katotohanan. Kung talagang totoo na nabuhay lang siya uli, hindi niya ikakaila na talagang pinatay siya ni Yawan.”

“Oo nga, Art. Pinagmukha ka niyang sinunga­ling.” Sumegunda si Nanette.

“Para namang hindi magagawa ni Inang Maria ‘yon. Na magsisinungaling at ang mga mabubu­ting tao pa ang kanyang ididiin at magmumukhang sinungaling.” Nalilito pa rin si Sheila.

“Paano kung ... hindi pala siya totoong si Inang Maria?”

“Arturo, ibig mong sabihin may nagpapanggap? Pero ang itsura niya, walang kaibahan kahit konti kay Inang Maria.”

“Nanette, hindi ba napatunayan na naman natin na mara­ming kababalaghan. May mga kapangyarihang mabuti, may mga kapangyarihang masama. Sino ba ang posibleng magpapanggap na Inang Maria na siya ang makikinabang?”

Umiling agad si Sheila. “Hindi. Mas hindi ko ‘yan matatanggap. Na si Inang Maria ay wala na at may nagpapanggap na lang na siya!”

“At kung totoo namang nagpapanggap na nga lang ang Inang Maria na humarap sa atin, may paraan ba para mapatunayan natin ito?”  - ITUTULOY

Show comments