Aswang Territory (138)

SINAMAHAN nga ni Avia si Draz. “O, dito … masarap at tama ang pagkain dito.”

Napangiti si Draz. “Bakit ba palagi mong sinasabi na tama? Ang iba bang kainan dito, hindi tama ang pagkain?”

“Uh, tama naman lahat. Pasenya na. Talaga lang nakasanayan ko nang magsalita nang gano’n.”

Lumapit ang may-ari ng restaurant, si Yna. “Avia! Salamat naman at napadalaw ka sa kainan namin. O ano, kakain ba kayo? Iba ang kasama mo … mukhang dayo rito. Nasaan nga pala si Armani?”

“Nagpapagupit. Kaya mag-isa akong nag-walking exercise sa plaza nang makilala ko si Draz.” Makahulugan ang tingin ni Avia kay Yna, alam din naman kasi ni Yna na itong si Draz ay ang istranghero kagabi na parang nagmanman sa kanila at minamanmanan din naman nila.

“Kung ganoon ay tama nga ako, ngayon lang siya bumibisita sa lugar natin. Halikayo, pumili na kayo ng table.”

“Diyan na lang sa tabi ng bintana, Yna. Para mas mahangin.”

“Hindi pala uso ang aircon dito?” Pansin ni Draz.

“Hindi. Kasi, baryo ito, e. Mahangin, malamig. Hindi kailangan ang aircon. Nakikita mo naman, wala halos sasakyan. Naglalakad at nagba-bike lang ang mga tao. O kaya, na­ngangabayo.”

“And I like that. Really.”

Naupo sila at kinuha ni Yna ang kanilang order.

“Adobong manok at sinigang na hipon ang gusto kong kainin. Avia, order whatever you want. It’s on me.”

“Mabigat ang breakfast ko kanina. So I think salad na lang sa akin. Masarap din ang salad dito, very fresh, tala­gang halos kakukuha pa lang sa garden.”

“Great!”

“Okay, sandali lang itong mga order ninyo. Magkuwentuhan muna kayo.” At iniwan na sila ni Yna.

“Avia, salamat at pinagbigyan mo ang invitation ko. You have a great place here. Probinsyang-probinsya, tahimik at maganda.”

“Ano nga pala uli ‘yung purpose mo rito, Draz?”

Natigilan si Draz. Ayaw niyang bolahin si Avia dahil nga iba ang nararamdaman niya rito.

“Okay. I’ll tell you the truth. Avia, kaya ako naririto ay dahil may hinahanap ako. Nasundan ko sila kagabi. Mga aswang!” -ITUTULOY

 

Show comments