Sandaang mumunting halimaw (54)

SAAN ba tatakbo ang mga taong labis na naliligalig? Paano lubos na tatakasan ang napakabahong higanteng gorilyang nabubulok?

Hindi sapat ang mga bimpong basa na pantakip sa ilong. Hindi rin lubos na mapigil ng bango ng ilang-ilang, sampagita at kampupot ang nanunuot  na baho.

Kung gayo’y kailangan nilang pansamantalang tumakas sa lugar nila, para sa kanilang kalusugan.

Nadagdagan pa ang problema sa malakas na atungal mula sa dagat.

GROWLLL! GROWLLL!

Natanaw ng mga tao ang palapit na higanteng gorilya, ang tanging nalalabi sa apat na halimaw.

“Eeeee! Kakainin tayo niyaan!” tili ng dalagita.

“Diyos ko po naman! Tulungan N’yo na po kamiii!” sigaw ni Impong Sela.

Mabilis ang paglapit ng higanteng gorilya, minamani lang ang pagtakbo sa dagat.  SPAASHH. KAAPLAASSH.

At kita ang galit nito. Matinding galit na pilit ihahanap ng pagbubuntunan.

GROWLL. GROOWWLL.

Pagdating nito sa katihan ay nagwala nang husto. Hinablig ang mga bahayan. Nangwasak ng mga tirahan.

Walang pinaligtas na bahay, kongreto man o dampa.

BRALADAGG. KABLADAAGG.

Tinapakan pa ang nagtatakbuhang mga tao, pinisot, tiniris na parang mga langgam. SWAK. SWIIK.

Ang iba ay hinuli at kinain! Buhay na pinapak. Ang iba pa, tulad ni Mang Tor, ay nilulon nang buo.

Buhay si Mang Ton nang sapitin ang bituka ng higanteng gorilya.

Dasal ni Mang Tor na mamatay na agad. Pero ayaw pa siyang mamatay-matay, siguro’y nakagawa ng matitinding kasalanan noong kabataan.

Posibleng ‘nililinis’ pa ng Diyos si Mang Tor—para ito’y magkaroon ng tsansa na makapasok sa Langit, sa dara­ting na panahon.

AYIIHHH. Sigaw at daing ni Mang Tor, nanatiling buhay, pinagkakaitan ng kamatayan. (ITUTULOY)

Show comments