Ang babaing kinakain ang lahat (56)

NAKASIGAW nga ang waiter ng HUWAAGG bago ito tuluyang nakain ni Tatiana alias Bangekngek at Bangs.

Napuno ng sariwang tilamsik ng dugo ang pinutiang wall ng motel room.

Sa kubrekama, ang kuko na lamang ng waiter ang  nalabi, palatandaan ng naganap na walang pangalawang  kalagiman.

This time ay hindi dumighay ang babaing alien; meaning hindi pa busog si Tatiana.

“Nagugutom pa ako... nakababaliw na gutom...”

Nagpalinga-linga sa loob ng room si Tatiana, naghahanap ng anumang makakain. Immediately. Pronto.

“Hayun!” Nakatingin siya sa painting sa wall ng motel room. Reproduction iyon ng mga sariwa, bagong pitas na prutas--manggang hinog, papayang hinog, green apples, suha, sa­ging at balimbing.

Sa diwa ni Tatiana ay mga tutoong prutas ang nasa painting.

Sinunggaban niya iyon mula sa wall, kinain ang painting pati frame at lahat-lahat.

Sa malakas na imahinasyon ng babaing taga-ibang planeta, nalasahan niya ang masasarap na prutas—kumpletong may katas na sariwa.

KRALAANKK. Pati sabitang metal hook ay nginalot ni Tatiana.

SWIISS.  Binuksan niya ang gripo sa bathroom sink. Itinapat iyon sa bibig.

GLUG-GLUG-GLUGG.  Kaydaming ininom na tubig ni Tatiana.  Halos naubos niya ang pondong tubig sa malaking water tank ng motel.

Ibinagsak ni Tatiana sa kama ang hubad na katawan; saglit siyang nagpahinga.

May naramdaman siyang presencia sa paanan. Lumilikha iyon ng mahihinang huni: iit-iitt-iitt.

Mga bubuwit, maliliit pang daga.

Napabalikwas si Tatiana.  Tatlong bubuwit ang naglalaro sa kanyang mga paa; aliw na aliw ang babaing taga-ibang uniberso.  “Hi-hi-hi.” (Itutuloy)

Show comments