Babaerong ka live-in

Dear Vanezza,

Ako po ay isang negosyante at may kapansanan. May naka-live-in akong trabahador ko. Ngunit hindi ito naging hadlang para pakisamahan niya ako. Hindi kami nagkaanak at naghiwalay din dahil sa ibang babae. Hindi sa pagyayabang pero mas maganda pa ako sa babae na pinagpalit niya sa akin kahit ako’y may kapansanan. Lahat ginawa ko para i-save ang relationship namin. Pero masakit na malamang ginamit lang ako sa pansarili niyang interes. Handa ko naman siyang patawarin sa kabila ng lahat pero sa huli, yung babae pa rin ang pinili niya. Wala na ba akong karapatang magmahal at mahalin? - Rems

Dear Rems, 

Huwag mong ituring ang sarili mo na nalugi. Hindi ikaw ang nawalan kundi siya. Isa kang negosyante at tulad nang nasabi mo, maganda ka kahit may kapansanan. Ang kapansanan ay panlabas na anyo lamang. Mas marami pa ring lalaki ang tumitingin sa kabaitan at kagandahan ng puso. Magsilbi na lang leksiyon ang pakikipagrelasyon mo sa maling lalaki. Magtiyaga ka lang maghintay nang kaunti at dara­ting din ang tamang lalaking karapat-dapat sa iyo. Manalangin ka at huwag mawalan ng kumpiyansa sa sarili.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments