‘Butas na lupa’ (27)

MALI ang akala ni Monica na siya ay lalahian ng creature na mukhang susong Hapon o Japanese snail. Siya pala ay kukunan nito ng maraming ‘Monica’; gagawa ng mga clone ni Monica ang nilikhang mas maituturing na babae kaysa lalake.

Nang itapat nito ang tila kandilang puti na nakausli sa tiyan, sa tapat naman ng tiyan ni Monica, sumirit ang laser beam; agad na lumaki ang tiyan ng creature; sa daigdig ng tao, ito ang tinatawag na buntis!

“Oh my God! P-parang hinihipang lobo ang tiyan niya!” bulalas ni Monica, kita ang nangyayari sa kaharap.

Sa loob ng isa-dalawang minuto, nagluwal na ng sanggol na ‘Monica’ ang creature.

Umuha ang batang parang magic na nabuo at isinilang.

Pero kakaiba ang uha nito. “Uhahaayii…uhahaayii…”

Hindi doon nagtatapos ang panggigilalas ni Monica. Sunud-sunod na nagbuntis ang creature, habang patuloy na nakatapat sa tiyan niya ang tila kandilang nakausli sa tiyan nito.

Bawat minuto ay may isinisilang na baby ‘Monica’ ang creature.

Sa loob ng sampu-dalawampung minuto ay nagsilang na ito ng walong duplikadong sanggol, pawang baby ‘Monica’.

Sabay-sabay ding nag-iyakan ang mga bagong silang. “Uha-haayii…uhahaayii.”

Si Monica ay wala namang nararamdamang anumang sakit o kirot sa katawan; sa tutoo lang ay tila kagat lang ng langgam ang nangingiliti sa tiyan ng dalagang tao.

Ang creature na kaharap niya ang napapaigtad at napapaungol sa bawat pagsisilang; ito kung gayon ang nakadarama ng sakit.

Nakabawi sa pagkamangha si Monica, nanaig ang galit. “Mga walanghiya! Wala akong permiso na i-clone ninyo! Alam kong ako nuong sanggol pa ang kinopya ninyo! May litrato kami sa album ng Mommy ko! Idedemanda ko kayo sa international court ng human rights violation!”

Parang walang narinig ang mga nilikhang mukhang suso. Tumigil na sa pagbubuntis at pagluluwal ng mumunting ‘Monica’ ang creature.

Napalugmok ito sa grabeng pagod; binihisan agad ng mga kapwa-mukhang suso.  

(ITUTULOY)

Show comments