Carla, problemado sa credit card

Carla Abellana

Nawindang si Carla Abellana sa kanyang babayaran sa credit card.

Ang rason, sinisingil siya ng $11,087.33 na utang. “Lord, how will I pay for the $11,087.33 (621,871.71 Philippine peso) that was charged to my BDO Mastercard?” sey ni Carla sa kanyang post sa social media platform na Thread.

Ang sunod niyang post ay “Heartbreaking” and “Losing hope.”

Sa totoo lang, kailangan tala­gang maging maingat sa credit card dahil hindi na ngayon pini­pirmahan ang mga transaction lalo na sa ibang bansa unless nga ma-notif ka ng bangko mo.

Otherwise, talagang mawiwindang ka sa bayaran na hindi mo namalayan nagamit na pala ng iba.

Anyway, walang ibang binigay na detalye si Carla na napapanood ngayon sa Stolen Life with Gabby Concepcion and Beauty Gonzales tungkol sa masaklap niyang pinagdaraanan.

Regine, nabuhayan ng loob!

Binalikan ni Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid ang kanyang excitement sa pagiging Kapamilya at pagbabalik sa first love niya sa  muling pagpirma ng kontrata sa ABS-CBN sa  Solid Kapamilya: The Regine Velasquez Network Contract Signing kamakailan.  “Yung experience ko na maging Kapamilya muli, parang nabuhayan ako. Naging exciting ulit para sa akin, bumalik ako sa pagkanta, which is my first love naman talaga. Maraming salamat sa pagkakataon,” saad niya.

“I’m also recording my first album under Star Music so abangan nyo yan,” dagdag pa niya tungkol sa Reginified album na malapit nang ilunsad.

Bukod sa recording, busy rin ang OPM icon sa Magandang Buhay kung saan mahigit isang taon na rin siyang naging isa sa mga host nito kasama ang kapwa momshies na sina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros.

 Ikinuwento niya ang saya na nararamdaman tuwing nasa set ng programa. Aniya, “Since I am with two lovely ladies, parang na-eenjoy ko talaga. Parang di ka nagtatrabaho. I enjoy it very, very much.”

Iza at Piolo Pascual sasabak 6th EDDYS 

Mas magniningning pa ang inaabangang gabi ng ikaanim na edisyon ng The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ngayong Nobyembre 26, Linggo, sa Aliw Theater, CCP Complex, Pasay City.

 Bukod sa Ultimate Leading Man at award-winning actor-producer na si Piolo Pascual, isa pa sa magsisilbing host sa 6th EDDYS ay ang premyadong aktres na si Iza Calzado.

Ang pagbibigay parangal at pagkilala ng 6th EDDYS sa mga natatanging pelikulang Pilipino nitong nagdaang taon ay mula sa direksyon ng award-winning actor-director na si Eric Quizon.

 Ito’y ihahatid ng Airtime Marketing Philippines ni Tessie Celestino-Howard.  Magkakaroon din ito ng delayed telecast (Disyembre 2, 2023, Sabado) sa A2Z Channel.

Samantala, limang pelikulang Pilipino na nagmarka at nang-agaw ng eksena noong nakaraang taon ang maglalaban-laban sa 6th The EDDYS.

 Ang mga nominado sa kategoryang Best Film ay ang Bakit ‘Di Mo Sabihin ng Firestarters at Viva Films; Blue Room mula sa Heaven’s Best Entertainment, Eyepoppers Multimedia Service at Fusee; Doll House ng MavX Productions; Family Matters ng CineKo Productions; at Nanahimik ang Gabi mula sa Rein Entertainment.

Magpapatalbugan para sa Best Actress category sina Kim Chiu (Always); Max Eigenmann (12 Weeks); Janine Guttierez (Bakit ‘Di Mo Sabihin); Nadine Lustre (Greed); Heaven Peralejo, (Nanahimik ang Gabi); at Rose Van Ginkel (Kitty K-7).

 Bakbakan naman sa pagka-Best Actor sina Elijah Canlas (Blue Room); Baron Geisler (Doll House); Noel Trinidad (Family Matters); Ian Veneracion (Nanahimik ang Gabi); at JC de Vera, (Bakit ‘Di Mo Sabihin).

 Bibigyang-pugay din ng SPEEd ngayong taon ang hindi matatawarang kontribusyon sa industriya ng pelikulang Filipino ng mga napiling EDDYS Icon awardees na kinabibilangan nina Aga Muhlach, Richard Gomez, Gabby Concepcion, Niño Muhlach, Snooky Serna, Jaclyn Jose, at Nova Villa.

Kabilang naman sa bibigyan ng Isah V. Red Award sina Coco Martin at Piolo Pascual para sa walang sawa nilang pagtulong at pagbibigay ng inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan.

 Igagawad ang Joe Quirino Award sa veteran entertainment columnist, former TV host at content creator na rin ngayon na si Aster Amoyo habang ang beteranong manunulat at dati ring entertainment editor na si Ed de Leon ang tatanggap ng Manny Pichel Award.

 Ngayong taon, ipagkakaloob ang Producer of the Year sa Viva Films habang ang Rising Producer of the Year ay ibibigay sa MavX Productions.

 Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading newspaper at online site sa Pilipinas, sa pangunguna ng presidente nitong si Eugene Asis ng People’s Journal.

Show comments