Ate Vi at Boyet, sa Japan magso-shooting ng comeback movie  

Vilma at Boyet

Ayaw pa sana naming isulat, pero mismong si Ate Vi, yes ang Star for All Seasons na si Vilma Santos, ang kumumpirma sa amin na magsisimula na siya ng shooting ng kanyang comeback movie kung saan makakasama niya si Boyet de Leon.

Isang bagong producer ang gagawa ng pelikula, pero sabi nga niya “they got the best people of the industry.”

Ang shooting ng pelikula na magsisimula mga unang linggo ng March ay gagawin sa kabuuan sa Kyoto, Japan.

Kuwento ito ng dalawang OFWs, “hindi pabagets ha,” paglilinaw pa ni Ate Vi. Pero kuwento raw ng OFWs who will fall in love at their age. “Sabi nila ang maganda nga raw diyan dahil sa team-up namin ni Boyet halos pre-sold na ang pelikula. Nakagawa na kami ng mahigit na 20 pelikula yata, pero nagustuhan ko kasi naiiba iyong kuwento. Marami na kaming ginawang love stories, halos lahat naman ng ginawa naming pelikula love story, pero ibang-iba ang magiging takbo ng kuwento ng pelikula kaya nagustuhan ko. Siyempre kailangan laging may bago sa gagawin mo. Sabi ko nga magandang comeback film,” sabi ni Ate Vi. Pagkatapos noon ano ang kasunod?

“Ang dami na eh. May gagawin muna akong isa pang endorsement na noon ko pa dapat ginawa, tapos sisimulan ko naman ang project para kina Direk Erik Matti at Dondon Monteverde. Maganda rin naman ang kuwento noon, nabasa ko na rin ang script, pero mayroon pang kaunting babaguhin. Palagay ko iyan ang isa pang pelikulang masasabi ko ngang magiging bahagi ng aking legacy bilang artista,” mahaba pang kuwento ni Ate Vi sa akin.

Talaga bang magdidirek na rin siya at magpo-produce na muli ng pelikula?

“Siguro pero sa ngayon artista na muna ako. Dito lang aywan ko nga kung magagawa ko bang lahat iyong naka-line up,” sabi niya nang maka­kwentuhan namin siya isang hapon na tumagal din ng ilang oras.

Barbie at Jak, ‘di muna pwedeng maglantad!

Alam na ng lahat ang relasyon nina Barbie Forteza at Jak Roberto. Pero nakakatawa ang sinasabing hindi sila maaaring dumisplay sa publiko nang magkasama dahil sa ‘love team’ nina Barbie at David Licauco dahil sa kanilang matatapos na rin namang serye.

Bagama’t sinasabing alang-alang sa career ni Barbie, pumayag naman si Jak.

Pero ano iyon bobolahin nila ang mga tao na may love affair nga si Barbie kay David Licauco na wala naman, dahil lang sa  nagustuhan iyon ng ilang fans sa serye nilang Maria Clara at Ibarra?

Ibig bang sabihin didik­tahan na naman ng fans ang love affair nina Barbie at Jak? Iba iyong pag-arte nila, iba naman iyong personal. Bakit pati personal kailangang pakialaman?

At iyan namang fans na iyan, ano ang gusto nila bolahin sila na may love affair sina Barbie at David kahit na hindi naman totoo dahil lang sa serye?

Bakit ba hindi nila matanggap na ok silang magka-team pero hindi naman sila magsyota?

Marami na tayong nakita even in the past, na love affairs at maging ang personal na buhay ng mga artista na nasira dahil sa mga ganyang dikta.

Baguhang aktor, takot malantad ang relasyon sa bakla

Alam daw ng isang male newcomer na wala naman siyang maipagmamalaki kay direk.

Bukod sa totoong pinatulan naman niya ang advances ng gay director, marami raw iyong mga ebidensiya ng mga nangyari sa kanilang dalawa.

Medyo ilag siya ngayon na magalit sa kanya si direk, baka ilabas ang lahat ng kanilang ginawang milagro, at mawala na kung ano man ang chances niyang sumikat bilang artista.

Kasalanan din niya, naghabol siya sa mabilisang paraan pa kumita ng pera eh.

Show comments