Jake, ‘di sinasadya ang pananapaw  

Jake

Ayaw umasa ni Jake Cuenca na mananalo siya bilang best actor sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF).

“Ayokong umasa dahil ayokong ma-disappoint,” ganoon kasimple ang sagot ni Jake Cuenca nang tanungin siya kung umaasa ba siya na mananalo ng award.

Kasali roon ang pelikula niyang My Father Myself, na kung saan sinasabi ng marami na nakapagbigay siya ng isang napakahusay na performance. Ayaw ring angkinin ni Jake ang lahat ng kredito, lagi niyang itinuturo ang magaling na director na si Joel Lamangan, na napakahusay raw na magbigay ng motivation sa kanila para magawang mahusay ang bawat eksena.

Pero in fairness sa alaga ng kaibigan naming si Neil de Guia, magaling naman siyang umarte talaga kahit noong simula pa lamang.

In fact, may isang actor kaming nakausap noon na nagsabing mahirap makasama si Jake dahil kung mahina-hina ka tiyak na masasapawan ka without really trying. Halata mo raw na dinidibdib ang role sa bawat eksena.

Marami ang kailangang lampasang pagsubok si Jake diyan sa My Father, Myself. Bukod sa umiiral na inflation na hindi maikakailang dahilan kung bakit mahina pa ang mga sinehan, ang pelikula niya ay classified R-18 dahil sa matitinding eksena.

Maaari nilang bawasan iyon para maging R-16 man lamang, pero pinili nilang iharap sa tao ang kabuuan ng pelikula.

Ang pakiusap nga lang ni Jake, sana mabigyan naman sila ng mas magandang exposure sa mga sinehan, lalo na nga’t dahil sa kanilang classification ay hindi sila makakapasok sa pinakamalaking theater chain sa bansa.

Pero naniniwala naman kami na kung talagang maganda ang pelikula, pupuntahan iyan ng mga tao saan man ipalabas ang kanilang pelikula.

Ang dami rin namang magaganda at malala­king theater chains sa ngayon. In fact, iyong sinehan kung saan kami nanonood ng sine, hindi naman kabilang sa pinakamalaking theater chain, pero pinakamaganda sa ngayon.

Mga hopeful, mabenta sa opening ng resto

Napakaraming hopefuls, mga nakapasok na at papasok pa lang sa show business na nakita namin nang buksan ang ikalimampung Botejyu sa Pilipinas doon sa Grand Canal Mall.

May namataan din kaming ilang sexy stars, naroroon si Katya Santos na marami nang pelikulang nagawa. Pero karamihan nga ay iyong umaasa na isang araw ay sisikat din naman sila, at mukha namang nasa tamang diskarte ang kanilang career.

Sa mga ganyang opening, hindi mo dapat papuntahin ang masyadong malalaking stars, dahil sila ang mapapansin at hindi ang binuksan mong resto. Siyempre ang gusto nilang ipagmalaki ay iyong kanilang authentic Japanese cuisine, hindi naman ang mga artista nila. Pero papaano mo nga ba maihihiwalay iyan sa Viva na siya nilang mother company. Hindi mo man kumbidahin ang stars, darating iyan.

Matapos ang isang maikling performances ng singers nila, nagkaroon din ng isang bonggang fireworks display sa Grand Canal Mall, bilang announcement na naroroon na nga ang Botejyu.

BL Star, sanay makipagrelasyon sa beki

Hindi na kami nagtaka kung sinabi man ng ilang nakapanood ng pelikulang iyon na ang bida raw ay bigay na bigay sa BL scenes niya. Eh sanay naman talaga iyan sa “BL affairs.”

Hindi lamang “BL” na masasabi dahil nakikipag­-affair siya sa mga beki. Minsan narinig din naming nakipag-affair siya sa isang poging male model, na para hindi halata kung bakit lagi niyang kasama ay sinasabi niyang ini-hire niya bilang fashion at wardrobe consultant niya. Eh malakas ang tsismis sa kanila, na kahit na raw sa fitting room ay may nangyayari.

Show comments