Ken, nagsalita na sa pagbubuwag sa kanila ni Rita

Planado na sana ang gagawin ni Ken Chan noong pakiramdam niya ay wala siyang future sa showiz. “Mukhang ayaw naman sa akin ng showbiz sabi ko,” umpisa niya.

“So kailangan kong buhayin ‘yung sarili ko, kailangan ko din pong buhayin’ yung pamilya ko so I have to decide. Nag-decide ako na magtrabaho sa airline.

“Isa ‘yun sa dreams ko talaga, maging flight attendant and eventually maging piloto. But God and GMA network gave me Destiny Rose. Dahil sa Destiny Rose kaya po until now, nandito pa rin po ako,” pag-alala pa ng actor / singer sa kanyang 2015 teleserye na nagbukas ng lahat ng pagkakataon sa kanyang career sa media launch ng kanyang comeback song, ang Quaranfling, under GMA Music.

Samantala, itinanggi naman ni Ken na may away sila ngayon ni Rita Daniela at binuwag na raw ang RitKen loveteam.

Sa ngayon daw talagang wala munang RitKen pero aniya, puwede pa naman silang magsama in the future.

Ipinaliwanag daw ng GMA Artist Center at Sparkle na hindi naman pang-forever ang loveteam.

Klinaro rin niyang wala silang problema ni Rita. “Okay na okay po kami ni Rita. Minsan nangangamusta. Hindi rin po kami masyadong nakakapag-usap kasi na-busy po ako sa Mano Po pero okay po kami ni Rita. Wala pong problema po sa amin,” chika niya pa rin sa press launching ng Quaranfling.

Sinabi niya ring nakuha lang niya sa Google ang tweet niya recently lang na parang may pinariringgan.

“Ay, naaalala n’yo pa po pala ‘yung tinweet ko. Nakuha ko po ata sa Google ‘yun,” sabi niya na tumatawa.

Pero may mga tao raw talagang pilit na ibinababa ang kapwa. Pero pag may ganun daw, ‘wag na lang aniyang pansinin.

“Marami po talagang tao sa atin, hindi lang po sa mga artista, kahit sa ating lahat, na makakaranas talaga ng ganung experience. May mga tao talaga na pilit kang ibaba pero may nakapagsabi sa akin dati, actually ‘yung parents ko na kapag pinipilit kang ibaba hayaan mo lang sila kasi kung sino ‘yung pinipilit na ibaba ang siyang itinataas ng Panginoon,” banggit niya.

“Hindi kasi ako nagtatanim ng sama ng loob, ng galit, e. ‘Yun ang isa sa mga ano ko po… isa sa mga blessed and thankful ako.

“Hindi ko naman sinasabi na hindi ako marunong magalit, pero hindi ako nagtatanim ng galit at sama ng loob. So, madali talaga akong magpatawad ng tao.

“Wala naman pong problema dun. Kung ano po – maging kaibigan ko pa rin naman siya,” pag­lilinaw niya pero walang mention kung sinong pinariringgan niya.

Anyway, magsisilbing comeback ito ng actor sa music scene kung saan noong 2019 pa ang kanyang huling kanta na I Like.

“Na-miss ko talagang kumanta but because of GMA Music, nabigyan po ako ulit ng opportunity na magkaroon ng bagong single na Quaranfling. For sure, marami ang makaka-relate rito dahil sa title pa lang, alam mo na agad kung ano ang kwento,” banggit pa niya kahit na nga parang marami na ang naka-move on sa naganap na quarantine dahil almost normal na ulit ang buhay para sa lahat.

Show comments