Nora, napurnada sa partylist  

Kasama ang partylist ni Nora Aunor na NORA A sa nakasama sa 126 na partylists na ni-reject ng COMELEC dahil diumano sa kakulangan ng mga requirement para kilalaning isang partido. Dahil diyan hindi na sila makakasama sa gagawing balota sa susunod na buwan ang nasabing grupo.

Pero hindi pa naman hopeless ang lahat dahil maaari pa silang umapela sa Korte Suprema, at humiling ng mabilisang pagdinig, at kung makakakuha sila mula sa Korte Suprema ng status quo ante order, mababalewala ang pagbabasura sa kanila ng COMELEC.

Wala pang narinig kay Nora tungkol sa mga bagay na iyan, na hindi na nagbalik sa COMELEC, matapos na mag-file ng certificate of nomination mula sa kanyang sariling partido.

Isa sa tinitingnan ng COMELEC sa pamimili ng partylists ay ang katunayan na may kinakatawan nga silang sector ng lipunan, at isa sa mga batayan ay kung may existing chapters ang kanilang partido sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na palagay namin iyon ang isa sa naging kakulangan ng NORA A.

Ito ang ikalawang pagtatangka ni Nora sa pulitika. Ilang taon na ang nakaraan, kumandidato rin siya bilang gobernador ng kanilang bayan - Camarines Sur – laban sa political giant na si Luis Villafuerte, at natural natalo siya sa mismong bayan niya.

Matapos na matalo noon, sinabi ni Nora na hindi na siya muling magtatangka sa pulitika, pero marami nga ang nagulat nang bigla siyang sumulpot sa COMELEC upang i-file ang nomination ng sarili niyang partylist na ipinangalan sa kanya.

Bagama’t sinasabing ang kanilang partylists ay tutulong sa mga alagad ng sining, sinasabi rin niyang kinakatawan nila ang senior citizens, ang LGBTQIA, mga magsasaka at iba pang sektor, pero walang katunayan ng mga samahan na sinusuportahan na ng kanyang partylist.

Kung sa bagay hindi naman nag-iisa si Nora, may 126 pang ibang partylists na ibinasura rin ng COMELEC.

Aktor, nabiktima rin ng mga nagreretoke ng mga hubaran sa social media

“Hindi ko picture iyan,” sabi ng isang male star na may kumakalat na picture na may suot na bikini brief sa isang social media platform.

Isa pa, ang suot niyang bikini brief ay isang imported brand at hindi ang brand na kanyang ineendorso. Iyon pala, hindi lamang siya kundi marami pang mga male star ang ginagawan ng mga “edited pictures” na ginagamit sa isang gay chat group.

Aminado raw naman ang baklang gumagawa noon na edited lamang ang pictures, pero ang tanong wala nga bang batas na nagbabawal na gawin niya ang ganun?

Ilang taon na ang nakaraan may gumawa rin ng ganyan sa isang sikat na actor, nagdemanda siya at napilitan ang gumawa na magbayad ng danyos at i-surrender sa kanya pati lahat ng kopya at negatibo noon.

Show comments