Bagong Thai BL series na Bad Buddy, libre sa iWANTTFC

MANILA, Philippines — Mala-Romeo at Juliet ang bawal na pag-iibigan ng Thai stars na sina Ohm Pawat at Nanon Korapat sa pinakabagong boys’ love (BL) series na Bad Buddy na ipinalalabas nang libre sa iWantTFC na nag-umpisa noong Biyernes kasabay ng airing nito sa Thailand.

Mapapanood ang bagong episodes ng Bad Buddy kada Biyernes sa original Thai language nito na may English subtitles. Simula Nobyembre 4 naman, magkakaroon na rin ito ng libreng Filipino-dubbed episodes sa iWantTFC tuwing Huwebes, 8 PM.

Susundan ng Bad Buddy ang kwento nina Pat (Ohm) at Pran (Nanon), dalawang magkapitbahay na bata pa lang ay pinalaki nang magkakumpitensya. Mamanahin kasi nila ang pagiging magkaribal ng kanilang mga ama sa negosyo at sa lahat ng bagay.

Bilang mga bata, lalaki sina Pat at Pran na hindi lubusang naiintindihan ang pinag-aawayan ng kanilang mga pamilya. Pagtatagpuin ulit sila ng tadhana sa kolehiyo kung saan muling mabubuhay ang labanan nila sa isa’t isa.

Isang araw, magkakasundo ang dalawang itigil na ang kumpetisyon at maging magkaibigan na lang – ngunit kailangan nila itong ilihim mula sa lahat, lalong-lalo na sa kanilang mga pamilya.

Sa gitna ng pagkukunwari nilang magkaaway, hindi mapipigilan nina Pat at Pran ang mga puso nilang mahulog sa isa’t isa. Paano kung hindi na maging sapat ang pagiging magkaibigan lang?

Shaira, ‘heaven-sent’ nga ba sa buhay ni Ruru?

Ang stars ng upcoming Kapuso series na Lolong na sina Ruru Madrid at Shaira Diaz ang bibida ngayong Sabado (Oct. 30) sa Tadhana.

Sa episode na pinamagatang Hugot ng Langit, mapapadpad sa bahay ni Vincent (Ruru) ang isang babaeng (Shaira) walang alaala.

Kukupkupin niya ito at sa ilang araw nilang pagsasama, mahuhulog ang kanyang loob dito.

Sino nga ba ang misteryosang babaeng ito na tila gumagamot sa sugatan niyang puso? Papangalanan nila itong Angel—ang babaeng hulog ng langit.

Lalalim ang kanilang pagtitinginan, hanggang sa isang araw ay muling babalik ang alaala ni Angel. Mahahanap din siya ng kaniyang ina, pati na rin ng kaniyang kasintahang si Daniel (Luke Conde).

Ibalik kaya ni Vincent si Angel ngayong hulog na hulog na ang puso niya sa dalaga? Paano kung may nararamdaman na rin si Angel para kay Vincent? Sinong pipiliin niya sa dalawang lalaking nagmamahal sa kaniya?

Panoorin ang unang bahagi ng Tadhana: Hulog ng Langit kasama ang host nito na si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ngayong Sabado, 3:15 p.m. sa GMA Network.

Show comments