LJ, kuntento sa Amerika

Maganda ang naging desisyon ni LJ Reyes na mag-abroad muna at ilayo ang kanyang mga anak sa mga tsismis at intriga na posibleng makaapekto pagkatapos niyang hiwalayan si Paolo Contis, na nakasama niya ng anim na taon din. Hindi lamang masaya si LJ, kundi mukhang masaya rin naman ang buhay ng kanyang dalawang anak na sina Aki at Summer. Ipinagmamalaki nga ni LJ ang kalagayan nila ngayon sa isa niyang social media post at mukha ngang kuntento na siya sa buhay. Pero maliwanag niyang sinasabi na kahit na nakapagsimula na siyang mag-move on sa buhay, hindi pa rin niya mapapatawad si Paolo.

Hindi talaga nakumpirma kung ano ang naging dahilan ng kanilang paghihiwalay. Ang lahat naman ay nananatiling suspetsa lamang kahit na nakita ngang magkasama sina Paolo at Yen Santos. Noong una gusto pa talagang mangatuwiran ni Paolo sa hiwalayan, tapos inamin niya na nagkaroon nga ng third party at humihingi nga siya ng dispensa kay LJ, na sinagot naman noon na hindi pa siya handang gawin ang ganoon. Hindi naman sinabi ni LJ na hindi siya magpapatawad, dahil tiyak namang darating ang isang araw na makaka-move on din siya, pero siguro nga naging napakasakit ang karanasang iyon sa kanya.

Dahil hindi naman sila kasal, madali para kay LJ na makapag-move on kasama ang dalawa niyang anak. Kagaya rin ng pagtatapos ng kanilang relasyon ni Paulo Avelino, kahit na nagkaroon din sila ng anak.

Kagaya rin naman sa nangyari kina Paolo at Lian Paz, na bagama’t nagpakasal at nagkaroon ng dalawang anak na babae ay nagkahiwalay din, nagpa-annul ng kanilang kasal na hindi pa tapos hanggang ngayon at nasa korte pa. Pero masaya na si Lia sa piling ng negosyanteng si John Cabahug.

Michael V., may paalala sa online seller na manloloko

Ibinisto ni Michael V. ang raket ng ilang online sellers na niloloko ang mga shopper. Ipinakita niya ang isang tripod na ang halaga ay P500 lang, pero pinabayaran ng online seller sa kanyang kasambahay bilang isang “selfie stick” na nagkakahalaga ng P2,500.

Totoo ang sinasabi ni Michael V.

May kakilala kami na bumili ng cellphone online, na nang dumating ang laman ng kahon ay sabon. May isa pa kaming kakilala na bumili ng payong na napakamahal dahil gawa diumano sa Germany na may reflectors pa at sariling ilaw, pero nang dumating, bulaklaking folding umbrella na nabibili ng singkuwenta pesos sa Divisoria.

Marami talagang peke online, dahil ang binibili mo at binabayaran ay hindi mo nakikita. Natural kung peke ang ipinadala sa iyo, ano pa nga ba ang magagawa mo? Wala ka nang marereklamuhan dahil blocked ka na sa kanila, at fake pati ang telephone number nila. Maganda ang paalala ni Michael V. at malaking tulong ang paalala para maiwasang maloko.

Show comments