Katawan ni Angel hindi naprotektahan sa netizen!

Angel

Noong hindi pa uso ang social media, mas napapangalagaan ang mga artista. Noong araw, basta ang isang artista ay nawala sa porma, halimbawa ay tumaba, o kaya ay nangayayat, hindi pinapayagang mag-pictorial ng producers nila. Kasi kailangang pangalagaan ang image ng isang artista. Eh ngayong may social media, wala nang image na pinag-uusapan. Nawala na rin kahit na katiting na privacy ng mga artista.

Nasabi lang namin iyan dahil sa kumalat at nag-viral na mga picture ni Angel Locsin noong isang araw. Nagsimba lang ‘yung tao, nakita ng isang fan sa simbahan. Kinunan siya ng picture na obviously hindi alam ni Angel, dahil hindi naman siya nakatingin sa camera. Siyempre ipinagmalaki ng kumuha ng picture na nakita nga niya si Angel Locsin, inilabas niya sa social media.

Sa mga picture na iyon, maliwanag na ang taba-taba ni Angel. Huwag na nating tanungin kung bakit siya tumaba nang ganoon. Pero napakalayo niyan sa nakasanayan nating hitsura ni Angel.

Hindi lang maganda si Angel eh, sexy pa. Iyan ang artistang hindi kailangang maghubad para maging sexy. Natatandaan nga namin, ang panahong sa tingin namin pinaka-sexy si Angel ay hindi noong mag-Darna siya kundi noong gumawa sila ng pelikula ni Aga Muhlach. Ang tindi ng dating ni Angel noon.

Tapos ngayon ilalabas ang ganyang picture ni Angel? Mas maraming fans niya ang madidismaya, lalo na siguro ‘yung fans niyang lalaki. Ang tingin kasi nila kay Angel parang iyong mga Disney princess eh. Hindi puwedeng ang isang prinsesa ay ipakita mong napakataba.

Hindi naman masama ang mataba. Maganda naman siya kahit na mataba. Ang sinasabi lang namin malayo iyon sa kanyang image na nabuo sa isipan ng kanyang fans.

Hindi rin naman dapat sisihin si Angel, pero sana sa susunod, kung nakakuha man kayo ng souvenir pictures na ganyan, kung hindi maganda para sa artista, huwag na ninyong ikalat. Lalo na at wala naman kayong permiso.

Kantar, hindi na magsasara

Dahil babalik na ang ABS-CBN sa free TV, binawi na rin ng Kantar Media Services ang kanilang naunang announcement na magsasara sila ng kanilang media division. Kung natuloy iyon, mahigit na limampung tauhan daw nila ang mawawalan ng trabaho. Inamin naman nila na kailangan nilang isara ang media research division, dahil nagsara nga ang kanilang kliyenteng ABS-CBN.

Ngayon, balik sa free TV ang ABS-CBN, siyempre kailangan nila ng survey na magpapakita na mataas ang kanilang ratings. Kinuha nila ulit ang serbisyo ng Kantar Media kaya hindi na iyon magsasara.

Isipin ninyo kung wala ang Kantar, lalabas na talo ang mga show ng ABS-CBN.

Basketbolista, ginagamit ang laro para magka- ‘sponsors’

Dahil wala nang kumukuha sa pelikula at sa TV, ginamit naman ng male star ang kanyang tangkad para maglaro sa mga liga ng basketball. Naglalaro siya sa mga kumpanya na nasa maliliit na liga, na siyempre may bayad. Marami namang gumagawa ng ganoon talaga.

Pero hindi ang paglalaro ng basketball talaga ang “malaking negosyo” niya. Mas malaki ang kita niya sa “sideline.” Sa paglalaro niya ng basketball kung saan-saan ay marami siyang nakikilalang nagiging “sponsors” din niya. Ok lang sa kanya kahit na matrona man o bading, “basta sponsor” at pagkakakitaan niya ng pera. Alam kaya ng misis niya ang sideline niya sa ngayon?

“Hindi. Ang alam lang niya naglalaro ako ng basketball,” sabi niya sa aming source.

Show comments