Sandy suwerte, hindi nahawa

Suwerte talaga, dahil lumabas na ang Covid-19 test ni Sandy Andolong ay negative. Ibig sabihin hindi siya nahawa sa sakit na tumama sa kanyang asawang si Boyet.

Wala rin naman daw ibang nadamay sa sakit ni Boyet na isa sa mabilis na naka-recover mula sa Covid-19.

Nakakatuwa naman iyang mga ganyang balita, at siguro nga sabihin na rin nating hindi napapansin pero napakaraming gumagaling mula sa Covid19.

Marami ring PUI na lumalabas na negative pala naman sa nasabing sakit.

Salamat sa Diyos.

Nagpapanggap na singer, nagpapapansin

Ayaw naming pansinin ang isang baguhang singer-singeran, na gumawa ng isang kanta na hindi naman nabenta, at para mapansin panay ang mga kontrobersiyal na comments sa lahat ng bagay sa kanyang social media account. KSP lang iyan.

Kim first time nagsalita

First time na nagsalita na si Kim Chiu tungkol sa sinasabing “drawing” lang daw ang ginawang ambush sa kanya. Ilang linggo rin ang lumipas bago siya nagsalita.

Sumailalim din pala siya sa psychological therapy para mawala ang trauma ng nangyari.

Pero sinabi nga raw sa kanya ng kanyang therapist na malakas pa rin ang kanyang loob, dahil parang hindi siya naapektuhan ng nangyari, bagama’t inamin niyang nakadama rin siya ng takot.

Mayroon din daw tumawag sa isa sa “bosses” ng ABS-CBN, na nagsabing naniniwala siya na ang target ay siya, at hindi si Kim. Nang malaunan, nakausap din daw ng kanyang lawyer ang nagsabi ngang “para sa kanya dapat ang bala at hindi sa akin”.

Masama ang loob ni Kim doon sa basta na lang nagsabing “drawing” ang nangyari sa kanya. “Bakit, ipapahamak ko ba naman ang sarili ko? Ipababaril ko ba naman ang mga kasama ko na ang turing ko parang miyembro na rin ng pamilya ko dahil siyang kasama ko araw-araw. Sana hindi naman sila ganoon,” sabi lang ng aktres.

Show comments