Dahil sa rami ng nag-aambisyong maging artista
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - February 15, 2020 - 12:00am

Guidelines sa mga trabahador ng showbiz, malabong matupad!

Noong araw, may mga nagsasabi na sigurado si Robin Padilla, dahil kilala ngang supporter siya ni Presidente Digong Duterte, ay makakatulong para maging bridge kung sakali ngang magkaroon ng problema ang ABS-CBN sa kanilang franchise na sinasabi ng presidente noon pa na haharangin niya. Kaya nga marami ang nagulat sa mga huling statements ng action star na “kung may lumabag sa batas, pagdusahan nila”.

Sinasabi pa niyang nang lumabag siya sa batas, nakulong siya. Ganoon din dapat sa lahat ng lumalabag sa batas. Tama naman ang sinasabing iyon ni Robin. Tama rin naman ang sinasabi niyang walang mas makapangyarihan pa sa mga umiiral na batas.

Tapos, may kambyo na naman si Robin. Iyon daw mga superstar ay malalaki ang kinikita. Bakit daw ganoon ang treatment sa kanila ng mga network, pero hindi nila inaalala ang mga kasamahan nilang manggagawa na maliit ang bayad, mas mahirap ang trabaho at kung minsan pati sa pagkain habang nasa set ay dehado pa. Aba nangyayari iyan. Basta sikat na artista humingi ng tubig sa set, malamig na bottled water ang ibibigay. Ang hindi sikat na artista, at iyong iba, pinagdadala pa ng plastic na baso, at kung kailangan ng tubig, sasalinan iyon ng tubig galing sa isang pitsel. Kung saan nanggaling ang tubig sa pitsel, hindi na natin alam.

Ang sinasabi ni Robin, dapat daw ang mga kapwa niya artista, bago ipagtanggol ang mga bilyonaryong may-ari ng networks, unahin na munang isulong ang kapakanan ng mga kapwa nila manggagawa na hindi nabibigyan ng tamang treatment sa shooting o taping ng mga show.

Iginiit ni Robin na ang dapat isulong ng mga artista ay iyong inilabas na guidelines ni Labor Secretary Silvestre Bello at ng Film Development of the Philippines bago ang pakikipagbakbakan nila para sa franchise. Pero ang tanong kung may guidelines nga sila, at may authority sila, bakit hindi na lang nila maipatupad? Bakit kailangang ipaglaban pa ng mga manggagawa?

Noong panahong si Rudy Fernandez ang pre­sidente ng KAPPT (Kapisanan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon), nagkaroon na rin ng ganyang kasunduan sa pagitan ng mga artista na kinakatawan ng KAPPT at ng mga producer. Dumaan iyon sa Film Academy of the Philippines. Ibig sabihin dapat na ipatupad.

Pero ano ang nangyari? Basta ang mga manggagawa, lalo na iyong hindi naman superstars, hingin ang ganoong working conditions, kagaya ng walong oras na trabaho lamang, asahan mo na ang katapusan na ng kanilang career. Ngayon, basta may maghanap ng medical personnel o ambulansiya sa set ng pelikula o telebisyon, tingnan ninyo kung kasama pa iyan sa taping bukas.

Kahit na si Joey de Leon noong araw nag­rereklamo sa kung tawagin niya ay “sinibak na sitao” pero may nabago ba? Karaniwang sinasabing ang ulam ay “baboy” ibig sabihin “baboy ang pagkakaluto”. O kaya naman ay “baka”, “baka sakaling makain mo”. Pero may nabago ba?

Makakapagmalaki ba ang mga baguhang artista? Subukan nilang magmalaki ang isa, at mayroong isang libong may ambisyon ding ma­ging artista na papalit sa kanila. Iyon ang problema ng industriya kaya hindi maipatupad iyan. Ang daming nag-aambisyong maging artista. Ang mga bit player, kung hindi maganda ang treatment di humanap sila ng ibang trabaho, pero hindi eh. Iba ang dating noong masabing artista sila kahit na bit player lang. Kahit na barya lang ang bayad, binabawasan pa ng talent scout.

Masakit pakinggan pero dito sa atin malabo iyan. Siguro maski sa abroad ay ganoon din naman.

ABS-CBN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with