Ate Vi
Ate Vi hindi na bagay sa cameo role?!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - November 23, 2019 - 12:00am

Hindi namin talaga alam kung saan nangga­ling ang tsismis na si Congresswoman Vilma Santos ay inalok ng isang cameo role sa isang pelikula. Walang ibang nagbalita nang ganoon kung hindi ilang fans ni Ate Vi na siguro nakarinig ng ganoong kuwento. Wala namang ibang nagsabi noon.

Pero para sa mga Vilmanian, malaking balita na iyon, kasi nga talagang sabik na sabik na silang mapanood ang kanilang idolo sa isang pelikula. Ngayong taon nga sana ang pangako ni Ate Vi na gagawa siya kahit na isang pelikula, pero marami namang ibang bagay na nangyaring naka-agaw ng kanyang oras kaya hindi na naman niya naasikaso iyon.

May pangako naman si Ate Vi na basta nagkaroon siya ng panahon, at kung may maganda ngang project na napapanahon din, tiyak gagawa siya ng pelikula.

Pero kung gagawa nga si Ate Vi ng isang movie, dapat nga ba siyang mag-cameo role sa isang pelikula? Palagay namin puwede naman kung iyon ay isang mahalagang pelikula talaga. Walang masama roon pero kung sa tingin mo naman ay magagamit lamang ang kanyang cameo role para magkaroon ng value ang pelikula, huwag naman.

Kung kami ang tatanungin, mas maghihintay na lang kami nang tamang panahon. Isipin ninyo iyong tagal ng panahon at dami ng projects na inialok na kay Ate Vi, na masasabi nating nasayang dahil halos lahat iyon hindi na lang itinuloy noong hindi niya magawa, tapos lalabas siya sa isang cameo role lamang?

Hindi naman siya iyong wala talagang offer maliban sa isang cameo role.

Baka naman sabihin ninyo kailangan pa siyang mag-audition para sa isang cameo role kagaya ng ginagawa ng iba. Umabot na si Ate Vi sa status na isa na siyang institusyon bilang isang aktres. Huwag namang sayangin.

Love story nina Matteo at Sarah karaniwan na lang

Maganda ang mga lumalabas na kuwento ha, na limang taon na ang nakararaan nang simulang paghandaan ni Matteo Guidicelli ang pagbili ng isang engagement ring para kay Sarah Geronimo. Ibig sabihin talagang napakahalagang bagay noon sa kanya, at ang pagbibigay niya noon kay Sarah ay isang napakalaking pagkakataon. Iyan ay kuwentong pang-story book talaga. Pero ewan kung bakit tila hindi iyon masyadong napag-usapan ng fans.

Sa tagal kasi, parang hindi na bago ang kanilang relasyon. Alam na ng mga taong mangyayari naman ang lahat ng iyan, hindi nga lang alam kung kailan. Isa pa, medyo mababa ang popularidad nila sa ngayon, kaya tahimik lang ang mga tao sa mga ganyang kuwento.

Jed nag-emote sa pagkakalaglag sa Christmas station ID ng Kapamilya!

Nagulat naman kami doon sa inamin ng singer na si Jed Madela na ni text, hindi raw siya nasabihan tungkol sa gagawing station ID ng ABS-CBN kung saan naroroon ang halos lahat ng kanilang stars. Imposibleng hindi nila alam na artist din nila si Jed. Pero hindi kaya dahil sa ginawang iyan ni Jed ay mangyari rin sa kanya ang naging karanasan ni Janno Gibbs, na matapos umangal na hindi rin siya isinama sa Christmas station ID, hindi na siya pinansin sa network?

Wala talagang reaksiyon ang network sa sinabing iyon ni Jed. At hindi mo naman masisisi si Jed kung magpahayag ng pagtatampo dahil sa nangyari.

Hindi ba dapat kahit na papaano may paliwanag man lang?

VILMA SANTOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with