Gladys gustong makasama sa pelikula ang ibang mga kontrabida

Gladys Reyes

Nasa plano ni Gladys Reyes ang magtayo ng isang acting school para sa mga gustong matuto na maging mahusay na kontrabida.

Paraan daw ito ng award-winning kontrabida na i-share sa mga baguhang artista ang mga natutunan niya sa pagiging kontrabida sa TV at pelikula.

“Higit na 35 years na pala akong nasa showbiz at child actress pa lang po ako, eh kontrabida na ang ginagampanan ko. Maldita akong anak ni Vilma Santos sa Muling Buksan Ang Puso at mataray akong young Lorna Tolentino sa Nakagapos Na Puso. Tapos sa Mara Clara, five years kong inapi-api si Judy Ann Santos.

“Kaya yung experience ko sa pagiging kontrabida ay sobrang lawak. That’s why gusto kong i-share iyon sa mga aspiring kontrabidas ngayon. Kung hindi ka pambida, eh ‘di magkontrabida ka, ‘di ba?” diin pa niya.

Isa raw sa dream project ni Gladys ay ang magsama-sama sa isang movie ang iba’t ibang henerasyon ng mga kontrabida.

“Matagal ko nang gustong gawin ang makasama sa isang movie sina Ms. Celia Rodriguez, Cherie Gil, Jean Garcia, Eula Valdez at sa mga baguhan ngayon gusto ko si Kyline Alcantara. Sayang at wala na si Ms. Bella Flores.

“Yung magtatarayan lang kami sa buong pelikula. Magsasampalan kami, magsasabunutan. Gano’n lang para maloka ang mga tao sa amin.

“Yung medyo comedy siya, hindi seryoso. Para nakakatawa kapag nagtarayan na kaming lahat,” tawa pa ni Gladys.

Pero sa teleserye na Madrasta, for a change, mabait ang character ni Gladys.

“Ang kontrabida sa Madrasta ay si Almira Muhlach. Siya ang ookray sa amin ni Manilyn Reynes.”

Paolo sa GMA na tumanda

Ikinatuwa ni Paolo Contis ang higit na 15 years niya sa GMA-7.

Sa naganap na contract-signing ni Paolo, wala itong mairereklamo sa kanyang pag-stay bilang isang Kapuso dahil tinuring na niyang tahanan ang naturang network.

“Basically, dito na sa GMA ako tumanda in terms of nag-mature, in terms of my personal life, professionally.

“Itong 15 years na ito kung saan ako nag-mature, I’m very happy na dito ko iyon nagawa. Tahanan ko na talaga ‘tong GMA.

“Kung mayroong through thick and thin ika nga, lahat ng napagdaanan kong mabibigat, they’ve been very supportive of me, regardless of any situation. I would be an idiot not to stay,” diin pa ni Paolo na unang nagsimula sa ABS-CBN 2 bilang child actor sa programang Ang TV.

Ang higit na pinapapasalamatan ni Paolo ay ang maging bahagi siya ng Bubble Gang noong 2005.

Sa naturang award-winning gag show niya nailabas ang kanyang pagiging komedyante na sumabay sa husay ni Michael V.

Show comments