Serye ni Coco malabong magbabu!

Kaya raw hindi mapalitan si Coco Martin, kasi hindi mapakawalan ng network ang malaking kita sa kanyang serye. Aba tama naman. Kasabihan na nga, “no one kills a goose that lays the golden eggs”. Bakit mo tatapusin ang serye ni Coco at susugal ka sa bagong hindi ka sigurado sa kikitain mo, eh ito sigurado na, sigurado kang may bibili.

Pero isa iyan sa mga palatandaang binabanggit ng director na si Erik Matti nang sabihin niyang hindi sumusulong ang industriya ng pelikula at telebisyon sa ating bansa.

Si Coco rin ang tinukoy ni direk Mark Reyes na tatlong beses na raw niyang nakasagupa sa loob ng apat na taon. Alam na marahil ninyo kung bakit wala na ang sinasabi ni direk Mark na ginawa niyang serye na bumangga kay Coco na apat na taon nang top rater.

Ang tanong lang namin, kasalanan ba ni Coco o ng network kung hindi matinag ang kanilang ratings sa loob ng apat na taon? Mayroon bang pretentions ang kahit na sino na ang dahilan kung bakit sila gumagawa ng mga serye ay para kumita? Hindi ba ipinagmamalaki nila ang dami ng kanilang commercials? Hindi ba kung walang commercials pinapatay ang show?

Kung iisipin ninyo, kaya namamatay ang industriya ng pelikula at telebis­yon ay dahil sa kakulangan ng materials na gusto ng tao. Kung ang ginagawa nila ay nagugustuhan ng mga tao, baka tumatagal din sila kagaya ng serye ni Coco. Ang kulang, dapat inaalam nila kung ano ang gusto ng tao, hindi kung ano ang gusto nilang ipilit sa mga tao. Ang tao ay hindi ninyo mapipilit. Pano­noorin nila kung ano ang magustuhan nila.

Ngayon sasabihin din ninyo, bakit kumikita nang ganoon kalaki ang mga pelikula ni Kathryn Bernardo? Eh alam kasi nila kung anong pelikula ang gagawin nila eh. Subukan ninyong pagawin din si Kathryn ng dance movie na walang kuwenta, tingnan ninyo kung kikita.

Ganun ka-simple.

Gerald mahilig talagang mang-‘ghost’, nanay ‘di na rin kinakausap

Si Dennis Padilla na mismo ang umamin. Matapos nilang makapag-usap nang minsan, dinededma na ni Gerald Anderson ang kanyang mga text. Apat na beses na raw siyang nag-text pero hindi siya sinasagot. Mukhang iyon talaga ang style ni Gerald. Hindi ba iyon din ang reklamo ni Bea Alonzo, bigla na lang siyang hindi kinausap.

Mukha kasing noong una silang mag-usap, ayaw man niyang sabihin kung ano, inaamin ni Dennis na ipinaalala niya kay Gerald na siya ang tatay ni Julia Barretto, kasabay ng pag-amin noon na nanliligaw nga siya sa anak ni Dennis.

Ngayon din daw, dinededma rin ni Gerald ang nanay niya, dahil hindi niya nagustuhan ang pagpapa-interview pa noon. Wala nga naman sa ayos ang talak ng nanay niya eh.

Female star na may edad na, hindi  matanggap ang payong pagre-retire!

Nagalit daw ang isang may edad nang female star sa kanyang matagal nang confidante nang sabihin noon sa kanya na mukhang wala na siyang natitirang options sa kanyang career kung hindi ang mag-retire. Kasi nga, sa ngayon wala nang nagpapakita ng interest na kunin pa siya.

Tinawagan pa raw ng may edad na female star ang iba nilang kaibigan at inilabas ang kanyang galit sa sinabi ng kanyang long time confidante. Hindi naman daw nag-comment na ang kanyang mga napagkuwentuhan dahil sa tingin nila tama ang kanyang confidante na dapat na siyang mag-retire.

Pero ganoon siya, lahat ng kumontra sa kanya ang tingin niya ay kaaway na.

Show comments