Kathryn Bernardo, Nadine Lustre
Nadine at Kathryn magbabanggaan sa Eddys!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - July 8, 2019 - 12:00am

Kulang na ng isang linggo. Bale limang araw na lang Eddys na. Iyan ang hinihintay na awards ng mga tao. Ano ang magiging desisyon ng mga lehitimong editor ng mga lehitimong diyaryo? Sino ang inaakala nilang pinaka-magagaling na artista at tekniko ng pelikulang Pilipino.

Mayroong usap-usapan, kumpirmahin daw kaya nilang ang yumaong si Eddie Garcia pa rin ang pinaka-mahusay na actor, bagama’t sa kanila ay nominated siya sa ibang pelikula at hindi roon sa nagpanalo sa kanya ng best actor sa nakaraan niyang award, o malusutan na naman siya ng ibang ni hindi mo nga inaasahang mananalo.

Pinag-uusapan din ang kanilang Best Actress na kung saan magkabangga sina Nadine Lustre na nanalo na ng tatlong lehitimong award, at si Kathryn Bernardo na nakasingit din sa isa. Maaari ring mas maging konserbatibo sila sa kanilang desisyon at manalo si Gloria Romero. Maaari ring iba. Sabi nga namin hindi namin napanood ang lahat ng mga pelikulang iyon.

Pero iyan namang Eddys, kahit na ano pa ang maging desisyon nila ay kaya nilang panindigan. Una dahil simula noon hanggang ngayon, wala pa kaming naririnig na naglakas loob na maglakad sa Eddys. Pangalawa, hindi naman sila papatulan ng mga editor na iyan. Lehitimo iyan eh. Kung mga editor lang ng mga pambalot ng tinapa, sigurado tumatanggap iyan. Pero iyong editor ka ng isang lehitimong diyaryo, aba eh hindi mo gagawin ang ganoong kalokohan.

Wala pa kaming nabalitaang nakabili ng Eddys at naniniwala kaming mananatiling ganoon ang award na iyan. Hindi rin sila iyong kagaya ng iba na matapos ang award, inoobliga ang nanalo na magbigay ng isang thanksgiving party para sa kanilang mga miyembro. May alam pa nga kaming tinanggihan nila ang imbitasyon kahit tapos na ang awards.

Kaya nga pinaniniwalaan namin iyang award na iyan eh. Walang anomalya.

Pelikula nina Aga at Nadine inaasahang babawi

Nabanggit na rin lang si Nadine Lustre, palagay namin isang malaking challenge para sa kanya ang isang pelikulang kanyang ginawa. Una, hindi niya katambal ang kanyang ka-love team na si James Reid. Pangalawa, ang kanyang katambal ay hindi mo naman masasabing isang box-office star. Iyang pelikulang iyan ay nakasalalay na lang sa lakas ni Nadine sa fans.

Malaking sugal iyan lalo na sa panahong ito na sunud-sunod ang pagbalibag sa takilya ng mga pelikulang Pilipino. Papaano ba namang hindi eh nagkakasunud-sunod naman ang malalaking pelikulang Ingles. Aba eh makikita mo ang tambak ng mga tao sa pelikulang Ingles eh. Nakakalunos talaga, lalo na kung makikita mo ang pelikulang Pilipino, nasa maliit na sinehan na slide screening pa.

Kung ano man ang mangyari, may pambawi naman siyang kasunod, kasama niya si Aga Muhlach.

Super Tekla bagay din sa lalaking role

Credible palang umarte bilang lalaki si Super Tekla. Napanood namin iyong drama kung saan dinaya siya ng mga kaanak niya nang manalo sa sugal. Dinenggoy siya at inangkin ang napanalunan niya. All the way, role ng isang lalaki ang ginampanan niya, at nakaya niya. Kung sabagay, sabi naman nila talagang lalaki iyang si Tekla, at ang iniaarte lamang niya ay iyong kanyang pagiging bakla.

“May anak pa nga iyan eh” sabi ng isang kakilala namin. Iyan iyong artistang versatile talaga. Puwedeng lalaki, puwede ring ba­ding.

KATHRYN BERNARDO NADINE LUSTRE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with