Krisis sa pelikula gawa-gawa lang, mga manonood nagwawaldas sa mga gustong panoorin

Ngayon lang yata nangyari iyang ganyan, na umaga pa lamang marami na ang mga tao sa harapan ng mga mall, at nang magbukas, takbuhan na ang mga tao sa mga sinehan para panoorin ang isang pelikulang ingles. Pero may problema, hindi dahil nauna ka sa pila ay sigurado nang makakapanood ka. Iyon pala nagkaroon na ng advance selling ang mga sinehan, at may mga sinehan na naibenta na ang kanilang tickets sa susunod na tatlong araw.

May mga sinehan pang hindi nagsara. Nakabukas sila maghapon-magda­mag para lamang makapanood na ang lahat ng gustong manood ng pelikulang iyon sa kanilang sinehan.

Sa nangyayaring ganyan, ang maitatanong lang namin, nasaan ang sinasabi nilang krisis sa pelikula? Ang mga tao nagkakagulo sa sinehan. Payag pang magbayad nang mas mahal na admission prices. Payag ding maghintay kahit na tatlong araw bago makapanood. Bakit sinasabing may krisis kung ganoon?

Iyan bang mga pelikulang Ingles ay hindi napipirata? Kung ganoon din, bakit pinanonood sa sinehan kahit na may makukuha namang pirated copy?

Maliwanag kung iisipin na ang may krisis lang ay ang pelikulang Pilipino. Pero hindi rin lahat. Bakit iyong pelikula ni Daniel Padilla kumita ng walong daang milyon? Bakit kung pagsasamahin ang kita ng pelikula nina Coco Martin at Vice Ganda noong nakaraang festival, bilyon ang aabutin?

Maliwanag kung ganoon, na kung gusto ng mga tao ang pelikulang palabas manonood sila. Kaya hindi kumikita ang mga pelikulang Pilipino ay dahil hindi iyon ang klase ng pelikulang gustong mapanood ng mga Pilipino.

Iyang krisis, ang gumagawa niyan ay ang producers at mga director na matitigas ang ulo, at ipinipilit ang mga pelikula nilang ayaw namang mapanood ng mga Pinoy. Hindi ba dapat naman ang boss talaga iyong magbabayad sa sinehan at manonood ng inyong mga pelikula?

Naging problema nina Kathryn at Daniel inuungkat

Ngayon unti-unti nang lumalabas ang mga tsismis, totoo palang nagkaroon ng problema sa kanilang relasyon sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo noong mga nakaraang panahon. Pero siguro nga hindi naman talaga lumaki ang problemang iyon. Kitang-kita naman na ngayon ay magkasundo na sila.

Isipin ninyong sinundan pa ni Daniel si Kathryn na nagsi-shooting sa Hong Kong. At isipin din ninyo ang reaksiyon ni Kathryn nang makita si Daniel, naglambitin na parang ayaw nang bumitaw pa ganuong ilang araw pa lang naman silang hindi nagkikita.

Ngayon namang magkasundo na ang dalawa, huwag na siguro nating ungkatin pa ang naging dahilan ng muntik na nilang pagkakagalit.

Dating model ng brief, kabibe na lang ang pantakip sa ari

Ginulat ng isang foreign model ang netizens, dahil dati siya ay endorser ng brief, aba nitong mga nakaraang araw hindi na brief ang kanyang suot. Nagtakip na lang siya ng kabibe. May nagpo-promote na rin ba ng kabibe na pantakip ng private parts?

Kung sabagay, ano nga ba ang pakialam natin kung ang gawin man nilang pantakip sa kanilang private parts ay band aid na lamang, pero ewan kung bakit kailangan nilang maglabas ng mga ganoong gimmick sa social media. Hindi kaya ang kasunod na kuwento ay mga kabibe iyan na nakukuha ng mga Tsino sa West Philippine Sea, kasama ng mga higanteng tulya na hina-harvest daw nila nang walang pahintulot?

Show comments