Babawi… pelikula ni Jessy pasok sa filmfest sa Japan

Hindi man gaanong pumalo sa takilya ang The Girl in the Orange Dress na isinisisi ang kapalaran kay Jessy Mendiola, at least babawi siya.

Ayon sa producer ng movie na si Atty. Joji Alonzo, ipalalabas for competition ang pelikula sa gaganaping Osaka Asian Film Festival. “Congratulations Team The Girl in the Orange Dress for being selected among the 14 Competition films for the Osaka Asian Film Festival this March!!! So happy for you Jay Abello and Jess Tawile!,” balita ni Atty. Joji sa kanyang Facebook account.

Actually, cute naman ang movie. Fun mo­vie lang.

‘Wag ka nang mag-isip.

Iba-iba siyempre ang reaction ng moviegoers kaya mahirap din talagang tantyahin kung ano ba talagang gusto nila lalo na nga’t marami nang ibang platform na puwedeng panooran.

KathNiel pasok sa Camera Obscura...

Ipakikilala ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) mga Camera Obscura Awardees sa gaganaping Film Ambassors’ Night.

Ang Camera Obscura Artistic Excellence Award ay ang pinakamataas na karangalan na iginagawad ng  FDCP sa mga pelikula, filmmakers, at artists na nagbibigay ng ins­pirasyon sa Philippine film industry dahil sa kanilang tagumpay at husay sa larangan ng pelikula. Ibinibigay ang Award na ito taun-taon tuwing Film Ambassadors’ Night.

Ang tatlong (3) awardees ngayong taon ay bibigyan ng pinakamataas na parangal para sa kanilang kontribusyon sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng Philippine cinema.

Kabilang dito si Kidlat Tahimik na ka­ma­ka­ilan lang ay pinangalanan bilang National Artist for Film at binigyan ng Prince Claus Award sa Amsterdam para sa kanyang pangunguna sa movement ng independent cinema sa bansa at pambihirang kontribus­yon sa visual arts at film.

Kahanga-hanga naman si Bianca Balbuena sa kanyang pagbuo ng successful international co-productions at pag-produce ng internationally recognized films, gaya ng Hele sa Hiwagang Hapis ni Lav Diaz at Engkwentro ni Pepe Diokno. Nitong Oktubre lamang ay pinangalanan din siya bilang Producer of the Year sa Asian Film Commissions Network sa Busan, South Korea.

Dahil sa kanyang achieve­ments, siya ay pa­parangalan para sa pagsisilbi niyang tulay sa Pilipinas sa diverse filmmaking cultures sa buong mundo at sa pagbibigay rin niya ng pagkakataon sa young at aspiring filmmakers.

Tatanggap din ng Camera Obscura ang romantic drama film ng Star Cinema na The Hows of Us na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, directed by Cathy Garcia-Molina para sa pagtamo ng higit pa sa P800 million global box office record. Ito ang highest-grossing Filipino film sa kasalukuyan at isa sa mga pelikulang Pilipino na nagpamalas ng competitive advantage ng local films sa bansa.

“FDCP is so honored to award the Camera Obscura to Tay Kidlat, Bianca, and The Hows of Us because in addition to making 2018 such a great year for Philippine Cinema, they truly represent the best of the many sectors that make up our industry. They are such an inspiration,” comment ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño sa awardees ngayong taon.

Ang awardees ay bibigyan ng parangal sa Film Ambassadors’ Night sa February 10 sa SM Aura Premier Samsung Hall, Taguig City.

Show comments