Aiko at Jomari hindi na nag-uusap

Inamin ni Aiko Melendez sa presscon kahapon ng pelikulang Rainbow’s Sunset na hindi sila nag-uusap ng ex-husband na si Jomari Yllana.

“Hindi kami nag-uusap and siguro, napagkasunduan na namin na mas mabuti na lang huwag kaming mag-usap para hindi na lang magkakasakitan and then, para hindi na rin ako makasabi ng mga words na hindi ko rin gustong sabihin, and siya rin. Ganito na lang kami, di ba?” pahayag ni Aiko.

When asked kung ano ang naging problema sa pagitan nila, ani Aiko ay ayaw na raw niyang pag-usapan pa.

“Ayoko na siyang pag-usa­pan. Kung baga, ayoko nang mabanggit man ang pangalan niya kasi respeto ko na rin sa kanila and respeto na rin nila sa akin.”

Pero wala naman sigurong kinalaman ang bagong baby ni Jomari with current partner sa problema nila?

“Ah wala, wala. In fact noong dumalaw pa si Andrei (anak nila ni Jomari) doon, si Andrei, nag-send sa akin ng picture agad. ‘Wow,’ sabi ko.

“You know, a baby is always a blessing. Noong nasa tiyan pa lang ‘yan, lagi kong sinasabi, a baby should always be welcomed dahil angel ‘yan,” she said.

Sa kanyang personal life naman ay masayang-masaya si Aiko sa piling ng politician boyfriend na si Subic Mayor Jay Khonghun. Tanggap daw ito ng kanyang dalawang anak at walang problema sa kanyang side.

“Ang lagi lang naman naming nagiging problema is ‘yung outer force, di ba? ‘Yung mga outside forces, so ngayon, medyo tumahimik naman na, okay lahat. We’re blessed na naging maayos ‘yung relationship namin sa lahat.”

Ini-reveal din ni Aiko na napag-uusapan na rin nila ang kasal.

“Oo, in passing we talk about it, we just couldn’t give the final date, kasi, marami pa kaming inaayos din.”

Kung sakali, ito ang pangatlong beses na ikakasal si Aiko. Matatandaang una siyang ikinasal kay Jomari Yllana noong taong 1998 at na-annul noong 2004. Nagpakasal siyang muli kay Martin Jickain noong 2006 at napawalang-bisa naman noong 2010.

Pero sa ngayon ay hindi pa raw annulled si Ma­yor Jay sa una nitong asawa at kasalukuyang inaayos na raw nila. Kaya sinisigurado niyang wala pang kasalang magaganap before the elections.

Samantala, ang Rainbow’s Sunset ay official entry sa Metro Manila Film Festival 2018 na magsisimula sa Dec. 25. The movie stars Eddie Garcia. Kasama rin sa pelikula sina Tony Mabesa, Tirso Cruz III, Sunshine Dizon, Max Collins and Ms. Gloria Romero. Mula ito sa direksyon ni Joel Lamangan.

Eddie wala pang planong mag-retire

At 89, active na active pa rin si Manoy Eddie sa showbiz industry. At wala pa ring kakupas-kupas ang kanyang husay sa pag-arte. Tulad na nga lamang ng performance niya sa Rainbow’s Sunset, ang daming nagsasabi na pang-award na naman ang portrayal ng veteran actor/director bilang si Ramon Estrella, isang retiradong Senador na nagdesisyong iwan ang kanyang tahanan para samahan ang matalik na kaibigan at lover na si Fredo (Tony) na may sakit na kanser.

Ayon kay Tito Eddie, hindi pa niya nakikita ang sarili na magreretiro sa showbiz at iisa lang daw ang pwedeng maging dahilan para mag-retire siya.

“Wala sa bokabularyo ko ang pagreretiro, eh. Kapag ayaw na ako ng tao, wala nang kumukuha sa akin, dapat magretiro na ako. Habang may kumukuha, sige lang ako,” pahayag ni Manoy.

Hanggang sa huling sandali raw ng kanyang buhay ay mananatili siyang umaarte.

“Baka dito (sa showbiz) ako mamatay,” sambit pa niya.

Show comments