Bangky nakagawa ng mahigit 100 pelikula!

“Natagpuang patay si Bangkay”, siguro nga nakakagulat ang statement na iyon pero iyon ang tunay na nangyari. Si Jose Clemente de Andres, 71 years old na mas kilala sa kanyang screen name na Bangky, ay natagpuang isa nang malamig na bangkay mga 4:30 ng madaling araw ng caretaker sa isang resort sa Plaridel,Quezon. Sinasabing may sakit na rin naman si Bangky, na hindi na nga masyadong aktibo ngayon dahil sa kakulangan na rin ng mga ginagawang pelikula at sinasabing tumutulong sa pagma-manage ng resort kung saan siya natagpuang isa na ring malamig na bangkay.

May mga usapan na diumano ay nag-suicide si Bangky, pero nakiusap ang kanyang kaibigang si Mayor Bernard Tu­magay na huwag nang pag-usapan pa ang mga hindi magagandang bagay na may kinalaman sa kamatayan niya.

Dinala ang bangkay ni Bangky sa Lucena para sa autopsy, pero ibinalik din naman sa Plaridel kung saan siya pansamantalang ibinurol bago dumating ang kanyang mga kaanak na sinasabing siyang magdadala sa kanya sa Maynila ngayong araw na ito, Huwebes. Ang mga kaanak niya rin daw ang magsasabi kung saan ibuburol ang kanyang bangkay sa Maynila.

Dinagsa ng mga kakilala at fans ang unang gabi ng burol ni Bangky, at halos lahat sila ay nagsasabi kung gaano ito kabait nang makilala nga nila nang personal. Pero marami ang nagsasabi na lately, alam nilang may mabigat itong dinadala sa kanyang kalooban.

Nagsimula si Bangky bilang isang ad layout artist ng RVQ Productions, at doon ay nakita nga siya ng comedy king na si Dolphy na siyang kumumbinsi sa kanyang mag-artista. Isinama siya agad sa pelikula ng comedy king, iyong Kisame Street, noong 1976. Noong una ay bantulot pa siyang maging artista pero nagustuhan din niya ang trabaho at sinasabi ngang hanggang sa siya ay yumao, nakagawa rin siya ng mahigit na isandaang pelikula.

Hindi na nakapag-asawa at nagkaroon ng anak si Bangky. Ang kanyang mga pamangkin ang sinasabing mag-aasikaso sa kanya ngayon.

Arestadong Sexbomb, itinanggi ng grupo

Ito namang mga celebrity na ito, alam na nilang talagang hinahabol ang lahat ng may kinalaman sa droga, hindi pa sila tumigil. Nahuli ang commercial model na si Zuher Bautista sa kanya mismong tahanan, at ilan niyang mga kaibigan. Nakuha sa kanya ang ilang hinihinalang party drugs, kabilang na ang tableta at li­quid ecstasy. Sinabi ni Bautista na hindi sa kanya ang nakuhang droga.

Isa namang babae na kinilalang si Ivy Ebona, na nagpanggap pang member ng sikat na grupong Sexbomb, ang nahuli rin dahil sa pagtutulak ng droga. Hindi naitanggi ni Ebona ang droga, pero siya ang itinanggi ng mga lehitimong miyembro ng Sexbomb, dahil hindi raw siya kilala ng mga iyon at ni minsan ay hindi siya naging member ng Sexbomb.

Basta ngayon pareho silang timbog.

Gay TV host malapit nang matimbog sa pamimigay ng party drugs sa mga pogi

Isa pang malapit na ring matimbog ang isang gay TV host, na sinasabi ring involved sa droga. Tila ang mga watering hole sa Makati at Taguig ang teritoryo niya at matagal na rin siyang sinusubaybayan. Hindi naman siya pusher, sinasabing ang droga, lalo na ang mga party drugs ay ipinamimigay lang niya sa mga pogi na kanyang natitipuhan. Iyan kasing party drugs, lalo na ang ecstasy ay naglalagay sa user sa isang estadong walang malay sa nangyayari sa paligid, at nagagawan sila ng kahit na ano.

Show comments