Janella nauntog?!

Janella

Hindi naitago ni Jenine Desiderio ang kanyang kasiyahan nang muling magbalik sa kanya ang anak na si Janella Salvador. Ilang panahon na ang nakararaan nang magpasya itong mamuhay mag-isa dahil sa ilang mga bagay na hindi nila mapagkasunduan, lalo na nga sa lovelife ng teenager.

 

Kasabay ng pagputok ng balita na may problema si Janella sa kanyang lovelife ang pagbabalik niya sa kanyang nanay. Para kay Jenine, okay naman iyon lalo na nga at nangyari ito sa mismong araw ng birthday niya.

Kung ano man ang naging problema ni Janella sa kanyang boyfriend ay hindi na pinag-uusapan. Puro mga haka-haka lang ang lumalabas, lalo na nga nang lumabas ang mga pasa sa braso ni Janella na alam naman natin kung sino ang pinagbibintangang may kagagawan. Lumabas din ang balita na sa isang out of town show na ginawa nila ng kanyang ka-love team na si Elmo Magalona ay hindi sila nag-uusap at laging magkalayo.

Bago ‘yun ay may statement din si Jenine, at siguro nasabi niya iyon dahil lamang sa concern niya sa anak. Sinabi niyang hindi basta ganoon na lang dapat matapos iyon. Iyan ay isang kaso ng physical injury, na kasong kriminal. Sinabi rin niyang hindi yata tamang pabayaan nang ganoon na lamang ang nangyari sa kanyang anak na si Janella.

Si Janella naman, walang sinasabing anumang aksiyon laban sa gumawa noon sa kanya.

Minsan talaga, ang masasamang nangyayari sa buhay ng isang tao ay may magandang ibinubu­nga. Maaaring hindi nga maganda para kay Janella na masira ang kanyang love team, o matuluyan pa ang kanyang personal na relasyon, pero dahil naman doon ay nagkasundo sila at nagbalik na siya sa nanay niya.

Bea hindi naging maingat

Hindi mo naman talaga dapat asahan na dahil nasa abroad ka, hindi ka na madudukutan. May nag-warning pa kay Bea Alonzo dahil nasa tren daw sila sa Lisbon, Portugal kung saan maraming mandurukot. Minsan kasi, masyadong nagiging palagay ang loob natin. Dito sa Pilipinas masyado tayong maingat, lalo na at nauuso ngayon ang menor de edad na snatcher, holdaper at kung anu-ano pa. Kasi nga malakas ang loob nila na hindi naman sila makukulong at makakasuhan dahil bata pa sila. Iyan ang masamang epekto ng isang walang kakuwenta-kuwentang batas na umiiral dito sa atin.

Pagdating sa abroad, palagay ang loob natin, kasi ang iniisip natin “wala naman tayo sa Pilipinas”.

Pero dapat nga mas maging maingat tayo lalo na sa mga lugar na hindi natin kabisado. Ang mga magnanakaw, alam nila lalo na kung dayuhan, nakabaling ang atensiyon sa dinadaanan at sa paligid kaya mas madali nilang nagagawa ang kanilang pagnanakaw. Baka hindi kayo maniwala, kahit sa Roma mismo, na-snatch ang camera na aming ginagamit.

Baguhang aktor gusto na lang ipa-booking ng manager para magka-career

Pangatlong attempt na ng isang baguhang male star para sumikat siya. Suwerte rin naman siya dahil kahit na palpak ang mga nauna niyang project, may nabobola pa rin ang manager niya para magtiwala sa kanya. Pero papaano kung sa pagkakataong ito pumalpak pa siya.

“Ibo-booking ko na lang siya, after all maraming bading ang nagtatanong sa akin tungkol sa kanya,”sabi ng bading na manager na sinundan ng malakas na halakhak.

Iyon na lang ba ang pag-asa?

Show comments