Ruru nawawala sa sarili ‘pag kaeksena si Janine

MANILA, Philippines — Hindi daw malaking isyu kay Ruru Madrid na maging special participation ang role niya sa Meant To Beh na pinagbibidahan nina Bossing Vic Sotto at Dawn Zulueta. Ang mapabilang lang daw sa movie ni Bossing na kanyang hinahangaan at inirirespeto ay malaking bagay na sa kanyang acting career. Si Ruru ay may special role para maging partner ng ex-girlfriend na si Gabbi Garcia.

Sa ngayon ay magkaibigan sila ni Gabbi at wala siyang balak na balikan ito. Mas sa career ang focus niya lalo na ngayon na isang malaking proyekto ang ibi­nigay sa kanya ng GMA 7. Wala munang syota si Ruru ngayon pero sa tingin namin ay nabibighani ito sa ganda ni Janine Gutierrez na sobra ang paghanga niya pagdating sa pag-arte at nawawala siya kapag kaeksena ito. Unang beses makakatrabaho ni Ruru sa isang serye si Janine,  sa Sherlock, Jr. (tentative).

“Well kami ni Janine magkaibigan na po kami dati pa, e. So parang sanay na rin kami na nagkikita na ganun.  

“Pero… sobrang sweet niya.  

“Sweet siya as a leading lady, and talagang magaling, magaling, nagagalingan ako sa kanya!  

“May mga scenes kami run na parang hindi ko alam, parang bigla akong nawawala sa role ko, ang galing niya!  

“Parang sinasabi ng utak ko, ‘Ang galing niya’, ganun!

“So parang nakakagulat dahil nakakatuwa rin na may ganun kang katrabaho ngayon, na parang, may matututunan ka rin galing sa kanya at makakahugot ka pa ng mga ilang emosyon.  

“At ang ganda, sobrang ganda ni Janine!”

Sa ngayon ay wala siyang balak ligawan si Janine. Hindi naman siguro siya pagseselosan ni Rayver Cruz. Pero hindi pa naman sila Janine at Rayver. Nanliligaw pa lang daw ito. Kaya may pag-asa pa si Ruru.

Hindi kaya mauwi ito sa love affair? Puwede naman siguro at bagay na bagay sila. Naku sigurado may bashers na naman.

Well, sanay na sina Ruru at Janine sa mga ganyan. Ang importante ay ginagawa nila ang trabaho at kung mauuwi ito sa isang relasyon ay okay lang. Pareho naman silang libre at focus sa trabaho.

Ang Meant To Beh ay isa sa entry para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong December.

Show comments