Paulo hindi kinayang mag-gatecrash sa birthday ng anak!

Diretsahang sinabi ni Paulo Avelino na kaya hindi siya nagpunta sa birthday party ng kanyang anak sa dating karelasyon na si LJ Reyes ay dahil hindi naman siya invited. Nagpadala na lang daw siya ng regalo sa kanyang anak.

Hindi mo rin naman masisisi si LJ Reyes kung hindi na niya imbitahin si Paulo. Maliban nga sa pagiging tatay na biological ng aktor, mukhang wala naman siyang naging partisipasyon sa pagpapalaki sa bata. Ever since, si LJ na ang nag-alaga sa kanyang anak.

May panahon pang nasabi ni LJ na ni hindi niya (Paulo) dinadalaw ang kanyang anak. Nagkaroon na rin naman siya ng ibang mga relasyon, kabilang na nga si KC Concepcion, na tumagal din naman.

Ngayon may syota na namang iba si Paulo. This time, hindi rin itinatago ni LJ na may relasyon na nga sila ng actor na si Paolo Contis, na hiwalay naman sa kanyang asawa.

Siguro nga hinihintay na lang nila kung makakalusot nga bilang batas ang panukala ni Speaker Pantaleon Alvarez tungkol sa diborsiyo at civil union, para mas maging pormal ang nangyari sa kanila. Natural para maiwasan ang maaari pang maging problema, mas iwo-work out ni Paolo Contis ang bonding nila ng anak ni LJ. Ganoon din naman si LJ na siguro mas nakikipag-bonding na sa mga anak ni Paolo Contis.

Medyo maiiba pa nga naman kung sa mga okasyon, sisipot si Paulo. Kaya natural lang, bagama’t masakit ding isipin na hindi na siya inimbitahan. Kung gusto niya talagang maging ama, nagkaroon na siya ng mahabang panahon, pero hindi niya sinamantala iyon noon kaya pasensiya na lang siya.

Sharmaine inaway-away sa paghahatid sa anak

Natawag ang aming pansin sa kuwento ng aktres na si Sharmaine Arnaiz. Inihatid daw niya ang kanyang mga anak sa iskuwelahan, aminado naman siyang ma-traffic at matiyaga siyang naghintay dahil gusto niyang ibaba ang kanyang mga anak sa mismong gate ng iskuwelahan, iyong safe na sila, hindi na tatawid at maglalakad nang malayo.

Pagdating sa tapat ng gate, bumaba muna raw ng sasakyan si Sharmaine para tulungan ang kanyang mga anak na maibaba ang kanilang mga dalang bag. Nagalit naman ang isang kasunod niyang sasakyan, binusinahan siya nang sunud-sunod, tapos biglang tumabi sa kanila, binuksan ang bintana at tiningnan siya nang masama. Inamin ni Sharmaine na na-shock siya at hindi nakakibo sa nangyaring iyon. Pero sinasabi niyang hindi naman siguro istorbo iyong sandaling paghinto niya.

Ganyan talaga sa mga kalye ngayon. Maraming walang pasensiya kasi talagang inis na rin sila sa traffic. Iyong mga nakakaunawa naman, hindi na lang talaga dapat kumibo. 

Brillante walang kupas sa pagiging Indie

Ayaw na sana naming mag-comment doon sa coverage ng SONA na idinirek ni Brillante Mendoza, ang dami na kasing nasabi eh. Pero sa totoo lang natawa kami sa close up ng ilong ni presidente. Parang close ups noon sa mga comedy film ni Panchito Alva. Eh masaya naman daw ang Malacañang sa mga indie coverage, ‘di bahala sila.

Nami-miss lang namin iyong mga coverage na ginagawa noong araw nina Maria Montelibano. Mukhang kagalang-galang talaga ang pangulo ng Pilipinas sa kanilang ginagawang coverage noon.

 

Show comments