John Lloyd ginawang pera ang isinukang singsing ni Sarah!

John Lloyd Cruz

Sobrang ‘kaaliw ang guesting nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo sa Gandang Gabi Vice na inere last Sunday. Ang daming mga rebelasyon ng dalawa to the point na mapagta­tagpi-tagpi mo na nagkaroon nga marahil ng special relationship ang dalawa before pero hindi nga lang nagtuluy-tuloy.

Isang rebelasyon na bago sa pandinig namin ay ang pag-amin ng mga bida ng Finally Found Someone na nagbigay pala ng singsing si Lloydie noon kay Sarah. ‘Yun nga lang, ibinalik ito ni Pop Star sa aktor.

Nilinaw ni Sarah na hindi naman daw siyempre engagement ring pero ikinagulat niya ito.

“Siyempre, hindi siya mukhang engagement ring. ‘Yung parang. . .malaki siya, nagulat nga ako, eh. Ang laki, sabi ko, ‘mahal nito!’” kaswal na sabi ni Sarah.

Sey naman ni Lloydie, “tinatanong ko naman Sars kung idi-dispose ko na.”

Sagot ni Sarah, “sayang ‘yun, uy!” saka natawa.

Kontra naman ni Lloydie, hindi naman daw masasayang dahil ibebenta naman niya.

Tinanong ulit ni Vice si Sarah na paano kung papiliin siya sa dalawang choi­ces- ibigay sa kanya ulit ang singsing or i-dispose.

“Eh ‘di ibigay niya sa akin ulit. Wala namang problema do’n, Lloydie, eh,” sagot ni Sarah.

Hirit naman ni Lloydie, “hindi kasi, kung walang problema. . .” hindi na natuloy ng aktor ang gustong sabihin kaya si Vice na ang nagtuloy.

“Kung wala palang problema, sana hindi mo na lang daw ibinalik. Ba’t ka raw kasi naniwala, ba’t daw nagpaapekto ka sa sasabihin ng ibang tao?” sey ni Vice.

Alam naman ni Lloydie, “hindi, ok lang, hindi, hindi. Talagang. . .irespeto mo ‘yun siyempre.”

Well, dapat siguro’y hindi Finally Found Someone ang title ng movie nina Sarah at Lloydie ngayon kung hindi “Love at the Wrong Time”.

Leila nainis sa love advice ni Ogie

Ikinagulat din ni Ogie Alcasid na istrikto pala siyang ama. Nakikialam kasi siya sa manliligaw ng panganay na anak na si Leila Alcasid at good thing, masunurin naman daw ang anak.

“Sabi ng anak ko, ‘Dad, you’re so strict, but I love it’,” kwento ni Ogie.

Nang makausap naman namin si Leila, aniya ay naiintindihan naman daw niya ang ama at hindi raw siya naiistriktuhan.

“He’s very understanding, and he tries to think like a millennial, I guess and understand me,” say ni Leila.

Nakausap namin ang mag-ama sa grand launch ng bagong album ni Ogie under Star Music na NakakaLokal last Saturday na ginanap sa Robinson’s Magnolia.

Sa kanyang love life, nagkaroon na rin naman ng boyfriend si Leila pero ngayon ay love less siya’t sinasabihan siya ng ama na magdaha-dahan na.

“Sabi ko, ayan, nagkaroon ka na ng relationship, nakaranas ka na ng pain, so ngayon, dahan-dahanin natin. Huwag masyadong. . .Ang puso natin, madalas niloloko tayo niyan, eh,” sey ni Ogie.

Anong sabi ni Leila?

“Naiinis,” sagot ni Ogie.

Pero mabait naman daw na anak actually si Leila at nakikinig naman sa kanya.

Show comments