Nagsumbong sa Facebook Coleen binulyawan at inatake ng dating pulis!

Natawag ang aming pansin ng isang post ni Coleen Garcia tungkol sa isang hindi magandang pangyayari sa kanya sa Bonifacio Global City. Diumano, ang kanyang sasakyan ay siningitan ng isa pang sasakyan, pero mabilis naman daw nakapag-break ang kanyang driver kaya hindi inabot iyong biglang sumingit sa kanila.

Noong mangyari iyon, mabilis na bumaba ng sasakyan ang muntik na nilang makabanggaan, sinigawan daw ang kanyang driver, at nang magtanong siya kung bakit ay nagtangka pa raw iyong kalmutin ang kanyang mukha.

“I opened the van’s door and asked the man what his problem was and he literally attacked me and SCRATCHED MY FACE. As in he reached both his hands out and scratched my face, trying to grab me and pull me out so that he could beat me up, too!,” pagdedetalye pa ni Coleen.

Ganoon pa man, inamin niyang ninerbiyos siya dahil iyong tao ay nagpakilala pa raw na isang pulis.

Sinabi ni Coleen na habang nangyayari iyon ay may mga pulis din naman na nakakakita sa kanila pero walang magawa ang mga iyon. Noon daw matapos ay tinanong lang siya ng mga iyon kung gusto ba niyang magreklamo at kung ganoon, kaila­ngan niyang magtungo sa presinto. Sinabi niyang sawang-sawa na siya sa mga ganoong bagay at hindi na siya nagpunta pa sa presinto, pero nakunan niya ng picture ang plate number noong muntik na nilang makabanggaan, pati ang lisensiya noon.

Iyang BGC, private property iyan. Bagama’t may mga pulis din sa loob, karamihan ng nariyan ay mga security officers lamang ng BGC mismo. Pero kahit na pulis man mismo iyong nakausap niya later on, kung hindi naman siya magrereklamo talaga, ano nga ba ang magagawa ng mga iyon? Kasi ang normal na dapat mangyari, mag-file siya ng reklamo laban doon sa gumawa noon sa kanya, at natural ipatatawag din naman ang inireklamo niya. The fact na nakunan niya ng picture pati lisensiya noong tao, ibig sabihin properly identified naman iyon at alam pati ang address kung saan maipapadala ang subpoena roon kung sakali. Pero tumanggi nga si­yang magreklamo at nag-post na lang siya sa social media. Hanggang doon na nga lang matatapos iyon.

Nirereklamo Jason Abalos marami na raw binastos na babae 

Ganyan din naman iyong reklamo ng isang babae laban sa actor na si Jason Abalos. Sinasabi ng babae na binastos daw siya ni Jason. Bilang patunay ay inilabas pa niya ang screenshots ng kanilang usapan, pati na ang sinasabi niyang pictures ni Jason na ipinadala sa kanya at katunayan na ang actor nga ang kanyang kausap na iyon sa chat.

Sinasabi rin niya na matapos niyang mai-post ang kanyang reklamo ay marami pa ang nagpaabot sa kanya ng messages na nagsasabing sila rin ay binastos ni Jason. Pero kagaya noong nagreklamo, ang iba pang nagsasabing binastos sila ni Jason ay hindi rin nagsampa ng isang pormal na reklamo. Hindi naman pinapatulan ni Jason ang mga posts laban sa kanya.

Sa rami ng mga poser at fake accounts sa social media, hindi mo masasabing si Jason nga talaga iyon kahit na nagpadala pa ng pictures. Malalaman talaga iyon kung ano ang totoo kung nagsampa sila ng pormal na reklamo sa husgado, hindi sa social media.

Kagaya rin ng sinasabi namin sa kaso ni Coleen Garcia, ang tamang forum para pag-usapan ang ano mang bagay na ganyan ay ang husgado. Magkakaroon ng mga pagdinig sa korte at doon ay hindi puwedeng balewalain lang ang reklamo. Magkakaharap kayo, maglalabas ng mga ebidensiya at talagang aalamin ng husgado kung sino ang may kasalanan.

Ang social media, gaya nga ng sinasabi namin, ay hindi naman legitimate media at hindi rin isang legitimate forum para sa mga ganyang reklamo. Kung magbababad ka rin sa social media, makakakita ka talaga ng mga bastos na maaaring bumastos sa iyo. Kaya nga hindi namin ipinapayo iyang ginagawa nilang pagbababad sa social media.

Show comments