Sex video ng mga artista, walang panama sa scandal ni De Lima?!

Ang daming nag-react doon sa sinasabing ipapa­labas na sex video ng isang opisyal ng gobyerno. Kapag pala opisyal ng gobyerno ang sinasabing may sex video, kikilos silang lahat. Pero bakit basta may kumakalat na sex videos lalo na ng mga artista ay wala silang reaksiyon? Bakit kailangang ang artista pa mismo ang humingi ng tulong o magmakaawa sa mga ahensiya ng gobyerno para mapigil ang mga pagkalat ng sex videos, at wala kaming nabalitaang nahuli sa mga gumagawa niyan. Nawawala na lang ang mga sex video dahil nagsawa na ang mga tao sa kapapanood sa internet.

Awang-awa kami noong kumalat ang isang self sex video ng isang batang babaeng artista. Hindi namin alam kung may nakabola sa kanya na gawin iyon tapos ay ikinalat, o sadya niyang ginawa, may nakakuha at ikinalat. Pero wala kaming narinig na aksiyong ginawa para mapigil iyon o huwag nang maulit.

Noong panahon na kumalat ang sex videos ni Hayden Kho, nagkaroon pa ng imbestigasyon sa senado, pero ano nga ba ang nangyari? May batas bang nagawa laban sa sex videos? Naging kontrobersiyal din ang sex videos noon ng talent manager na si Jojo Veloso. Inimbistigahan din ng senado, ano ang nangyari pagkatapos? Pero ngayon dahil isa sa kanila ang sinasabing may sex video, aligaga silang lahat at pinipigil iyon.

Nasasabi lang namin ito dahil sana nga mabigyan din naman ng proteksiyon ang mga artista. After all kabilang sila sa nagbabayad ng pinaka malalaking taxes.

Rodjun bagay na kawal

Napanood namin iyong transformation ng batang si Yuan Francisco, o iyong Pao Pao character sa Encantadia na naging si Rodjun Cruz nang dumating ang mga kalaban. Iyang Pao Pao, wala naman iyan sa mga original characters dahil kagaya ng nasa tradisyon, apat lamang ang mga element, ibig sabihin apat lamang talaga ang mga brilyante. Pero nagdagdag sila ng isa, na sinasabing may element ng lahat ng apat na brilyante, at napulot iyon ni Pao Pao.

Pati pangalan noong Pao Pao eh, sinasabing kinuha lamang sa isang commercial na ginawa ni Yuan kung saan sumikat ang “boom pao pao”.

Pero noong nag-transform siya at naging si Rodjun, mukhang mas nagkaroon ng kawawaan ang character. Bumagay ang costume ni Rodjun, at nagmukha siya talagang isang warrior. Malaki naman kasi talaga ang katawan ni Rodjun. May mga comment pa ngang mas mukha siyang warrior at bagay sa kanya ang role kaysa sa mga naunang “supposed to be warrior” sa serye nila na kaliliit na tao.

Siguro nga masasabing nakatulong sa pagbatak ng audience ang pagkakasali ni Alden Richards sa nasabing serye, pero masasabi namang mas gumanda nang pumasok ang character ni Rodjun dahil mukhang nagkaroon ng isang mas relevant na character. Bagay sa kanya ang role.

Show comments