Hindi nagpahuli sa mga kaibigan Anne at Erwan pakakasal na rin next year!

MANILA, Philippines -  Ayon sa mga malalapit sa mag-sweethearts na sina Anne Curtis at Erwan Heussaff, malamang na next year ikasal ang dalawa.

Madalas na nga raw biruin ng kanilang mga kaibigan sina Anne at Erwan na magpakasal na rin sila after magpakasal ni Solenn Heussaff kay Nico Bolzico.

Ang pinaghahandaan ngayon ng grupo nina Anne at Solenn ay ang kasal naman ng kaibigang si Isabelle Daza kay Adrien Semblat sa September 10 sa Italy.

At dahil sa September 15 naman ang kasal ni Cristalle Belo sa fiancé niyang si Justin Pitt sa Lake Como, Italy, marami sa mga a-attend sa kasal nina Isabelle at Adrien ang magse-segue na rin sa kasal ng anak ni Dra. Vicki Belo.

Parehong Italy nga naman ang venue ng dalawang wedding at limang araw lang ang pagitan, kaya puwedeng makapaglagare.

Solenn at Nico napag-uusapan na ang anak

Speaking of Solenn Heussaff, kaliwa’t kanan ang trabaho niya pagbalik niya ng bansa sa May 31.

Tinanong ko ang manager niyang si Leo Dominguez kung may pa-press interview ba for Solenn pagbalik nito, pero wala na raw.

“Deretso work na si Solenn. Marami na siyang tapings at iba pang commitments!” sabi ni Leo.

May A1 Ko Sa’Yo na ipapalabas na sa June 2 si Solenn at kasama rin siya sa Encantadia ng GMA 7.

May iba rin daw commitments na noon pa nag-yes ang kampo ni Solenn, kaya kailangan na niyang mag-work kaagad.

Noon pa naman sinabi ni Solenn na kahit magpakasal na sila ni Nico, hindi niya iiwanan ang kanyang showbiz career.

Very understanding din naman si Nico sa showbiz career ng misis, kaya wala namang magiging problema sa pag-aartista pa rin ni Solenn.

‘Yung tungkol naman sa pagkakaroon ng anak, tila napag-usapan na ‘yon ng bagong mag-asawa at may plano na sila para sa bagay na ‘yon na hindi sasabit ang showbiz commitments ni Solenn!

Maria Isabel nangaturiwan sa pangangabog sa Cannes

Kundi pa napanood ni Maria Isabel Lopez ang interview kay 2016 Cannes Film Festival best actress Jaclyn Jose, hindi niya malalaman na may dress code pala sa red carpet ng nasabing international film festival.

“Wala talagang nagsabi sa akin. White, black and beige pala ang colors dapat. Kung alam ko lang, nasabi ko sana kay Albert Andrada (fashion designer na gumawa ng kanyang emerald gown).

“Pero nag-sorry na naman ako. Hindi ko sinadya ‘yon. At kahit sa red carpet, hindi ako nag-effort sa bagay na ‘yon. Ganoon talaga ako!” sey ni Maria Isabel nang makatsikahan ko kahapon.

Sa welcome event nila noong isang gabi sa isang hotel sa Makati City, nagkasama at nagkausap silang dalawa ni Jaclyn.

Wala raw silang gap at ni hindi na nila naging topic ang tungkol sa mga nangyari sa red carpet ng Cannes Film Festival.

Nang pabalik na nga raw siya ng ‘Pinas, nakakita siya ng newspaper sa loob ng plane kung saan na-feature sina Jaclyn at Brillante Mendoza at ginupit pa niya ‘yon at ibinigay sa dalawa at nagpasalamat pa nga raw ang mga ito sa kanya.

Dedma na rin si Maria Isabel sa kanyang bashers na sa totoo lang ay nagpatunay na Maria Isabel Lopez is still Maria Isabel Lopez dahil pinagkaabalahan talaga siyang i-bash!

Show comments