Pelikula ng JaDine sa ibang bansa naman mananalasa!

Hindi raw umabot ng three weeks sa mga sinehan ang pelikula nina James Reid at Nadine Lustre. Bakit, kailangan ba talagang umabot ng tatlong linggo? Kung iisipin mo, hindi naman wise na pahabain pa ang kanilang playdate. Iyong fans nina James at Nadine, iyan iyong bumubuhos sa mga sinehan agad-agad, kaya ma­tapos ang isa o dalawang linggo, masasabi ngang naka­panood na ang fans nila. Hindi naman kagaya i­yan ng mga pelikulang naghihintay ng mga manonood, kaya sinasagad sa mga sinehan habang hindi pa nag-aabono. Mayroon ngang nagbabayad na lang ng mi­nimum guarantee, pero ayaw pang alisin sa mga sinehan dahil gusto nilang masabing nagtagal ang kanilang pelikula.

Sa ngayon ang style talaga ng mga producer, mabilisan lang ang paglalabas sa mga sinehan, dahil kung hindi, mauunahan pa sila ng film pirates. Nawala na nang tuluyan ang tinatawag noong araw na “provincial market”, kasi nga namatay na ang mga sinehan doon dahil sa piracy. Ang sinehan sa probinsya nasa mga mall na rin ang palabas na pelikula kasabay sa Maynila.

Ang ginawa naman niyang pelikula ng JaDine, matapos ang kanilang playdate sa Maynila, sinimulan na nila ang mga foreign booking.

Hindi namin sinasabing napasok na nila ang international theater circuit talaga. Iyan ay mga special screening lang sa mga sinehan sa abroad. Ang karaniwang target audience niyan ay mga Pinoy din. Ang mga pelikula naman natin ay hindi idina-dub agad sa Ingles. Kung magagawa sana iyon, baka posibleng makapasok pa sa mas maraming sinehan, pero magastos iyon.

Sa nangyari riyan sa pelikula ng JaDine, na hindi naman natin maikakailang marami ring “participating sponsors”, mas naniniwala kami na mas kumita pa rin sila. Halos pre-sold na sila eh dahil sa mga participating sponsor. Bayad na ang pelikula hindi pa man nailalabas.

Para makaiwas sa stress, Mariel dapat tigilan na muna ang pagdaldal sa TV

Opisyal nang na-announce ni Mariel Rodriguez-Padilla na tatlong buwan na siyang buntis. Kailangan siguro talagang mag-ingat na siya dahil dalawang beses na siyang nakunan. Milagro na talaga iyang nagbuntis pa siyang muli.

Palagay namin, dapat tigilan na muna niya maging ang pag­la­bas-labas sa telebisyon. Hindi nga siya masyadong pagod pero naroroon ang stress lalo na sa hosting sa mga live show. May mga sitwasyong kaila­ngang lagi kang magmadali, at iyan ay maaaring hindi maganda sa kanyang pagbubuntis. May mga babae talagang kung sabihin nga ay “maselan sa pagbubuntis”. Sila ang kailangang mag-ingat talaga.

Siguro naman ginagawa nila ang strict monitoring ng kanyang doctor. Maaaring binibigyan na siya ng gamot para hindi makunang muli. Pero mas mabuti pa rin ang pahinga.

Male model todo-deny sa scandal kahit sangkatutak na ang ebidensiya

Pinag-iinitan talaga ng mga bading sa Internet ang isang male model, nang himay-himayin pa ng mga iyon ang sinasabing “video scandal” niya at ikumpara sa kanyang mga known photograph. Kung makikita mo kung papaano nila hinimay ang video at inilagay side by side sa kanyang mga picture, talagang sasabihin mo ngang siya ang nasa video sa kabila ng kanyang denial.

Pero kung siya man o hindi ang nasa video scandal, wala na tayong pakialam doon. Kung gusto ba niyang mag-deny may magagawa ba ang kahit na sino?

Show comments