Isang taon ang hihintayin Cesar hindi pwedeng magkaroon ng pwesto sa gobyerno ni Duterte

Lilipad sa Davao City si Cesar Montano para makipagkita kay Mayor Rodrigo Duterte, ang bagong halal na pangulo ng Pilipinas.

Isa si Cesar sa mga nangampanya para kay Papa Rody at walang kapalit na datung ang suporta niya.

Sinuportahan ni Cesar ang presidential candidacy ni Papa Rody noong walang katiyakan kung mananalo ang alkalde ng Davao City.

May mga nagtatanong kung bibigyan ni Papa Rody ng puwesto si Cesar sa administrasyon niya. Gustuhin man ni Papa Rody, hindi puwede dahil kumandidato si Cesar bilang second nominee ng Aangat Tayo Party List.

Nag-win sa eleksyon ang party list group ni Cesar pero isa lang ang puwedeng umupo kaya bago siya mabigyan ng puwesto sa gob­yerno, kailangang palipasin muna ang isang taon.

Hindi naman hopia si Cesar. Nang ipangampanya niya si Papa Rody, hindi siya umasa na may kapalit.

Ngayong tapos na ang eleksyon, puwede na uling umapir sa TV si Cesar. Maipalalabas na ang show niya sa TV5, ang King of Mask Singer na nag-originate sa South Korea.

Sikat na sikat sa South Korea ang King of Mask Singer kaya dinala ito sa Pilipinas ng Viva Entertainment. Dahil patapos na ang Mayo, baka sa June 2016 na ang airing ng new show ni Cesar sa Kapatid Network.

Louise convincing ang denial sa ex ni Bianca King

Magkaibigan lamang sila, ang pralala ni Louise delos Reyes tungkol sa napapabalitang relasyon sa band vocalist na si Champ Lui Pio.

Nanindigan si Louise na single ito at nali-link siya kay Champ dahil favorite niya ang Hale, ang banda ng singer na ex-boyfriend ni Bianca King.

Dahil convincing ang denial ni Louise, may mga hoping na maging for real ang loveteam nila ni Juan­cho Trivino, ang leading man niya sa Magkaibang Mundo.

Marami ang nakapansin na masyadong kompor­table si Louise kay Juancho kaya puwedeng magkagustuhan ang dalawa hanggang hindi natatapos ang afternoon telefantasya nila sa GMA 7 na ngayon pa lang magsisimula.

Si Enzo Pineda ang ex-boyfriend ni Louise pero hindi na pinag-uusapan ang kanilang nakaraan. Happy na si Enzo sa bagong girlfriend nito na walang kinalaman sa showbiz.

Hindi na rin tinatanong si Louise tungkol kay Aljur Abrenica na pinagbibintangan na ugat noon ng break up nila ni Enzo.

Tanyag na iskultor na si Eduardo Castrillo, dapat parangalang national artist

Mananatiling buhay sa alaala ng mga emple­yado ng GMA Network Center, Inc. ang mahusay na sculptor na si Eduardo Castrillo na pumanaw noong May 18 sa edad na 73 dahil sa kanser.

Araw-araw na nakikita sa bakuran ng Kapuso Network ang monumento ng Beyond Broadcasting na nilikha ni Castrillo at 16 years nang makikita sa Timog Avenue main entrance ng GMA 7. Isinabay sa 50th anniversary ng Kapuso Network noong June 16, 2000 ang unveiling ng monument.

Si Castrillo rin ang gumawa ng People Power monument sa EDSA, ang monument ni Andres Bo­nifacio sa tabi ng Manila City Hall at marami pang iba. Para sa mga kaibigan at taga-hanga ni Castrillo, karapat-dapat siya na parangalan bilang National Artist. Nakaburol ang labi ni Castrillo sa bahay nito sa Bacoor City at bukas nakatakda ang kanyang li­bing.

Show comments