Babawi na sa ‘sinapit’ kay Kris!

Naghahalakhakan sa tawa ang mga du­malo sa presscon nang mapanood ang full trailer ng pelikulang Love is Blind. Doon kasi sa pelikula, may imaginary girlfriend si Derek Ramsey. Ang tingin niya sa kumedyanteng si Kiray Celis ay si Solenn Heussaff. Pero siyempre sa paningin ng iba ay hindi. Doon umiikot ang kanilang story.

Marami ang nagsasabi, sigurado nang kikita ang pelikulang iyan. Siguradong makakabawi na si Derek na ang huling pelikula ay hindi mas­yadong naging impressive sa takilya.

Marami namang reasons kung bakit ganoon eh. Una isinabay iyon sa film festival na siyempre ibang genre naman ang talagang hinahanap ng mga tao. Panga­lawa, nasa cast nga rin siguro ng pelikula at kalokohan namang si Derek ang sisihin kung bakit hindi malakas ang isang pelikula (All You Need is Pag-ibig) na napakarami namang artista.

Pero ang Love is Blind, sinasabi nga nilang mukhang napakalakas ng dating, lalo na nga at kasabay iyan ng Valentine’s Day, kung kailan hinahanap ng mga tao ang mga pelikulang may love stories, at kakaibang love story nga iyan na ang stars ay ang dream boy na si Derek at ang dream girl namang si Solenn.

At saka iba raw ang ipinakita ni Derek sa pelikula niyang iyan. Sanay kasi tayo na napapanood natin siya sa mga drama na medyo sexy. Ngayon comedy iyan. Pero talaga raw pinag-aralan ni Derek ang role at sinasabi nga ng kanilang director na si Jason Paul Laxamana, bawat eksena ay tinatanong ni Derek kung ano ang kanyang gagawin, at nakikipag-diskusyon siya kung ano ang palagay din niya. Ikinatuwa naman iyon ng kanyang director dahil ibig sabihin talagang interesado siya at pinag-aaralan niya ang kanyang role.

Palagay namin sa pelikulang iyan, makakabawi na nga nang husto si Derek.

Mother Lily hoping na mabago na ang sistema sa MMFF

Isa iyon sa mga bihirang pagkakataon na nakakuwentuhan namin si Mother Lily ng Regal. At napag-usapan nga namin ang naging mga problema particular na ng kanyang anak na si Dondon Monteverde sa nakaraang Metro Manila Film Festival.

 “Matagal na iyang may problema eh. Hindi na maganda ang nangyayari, but we always try and hope mabago naman. Mahirap gumawa ng pelikula, alam naman ninyo iyan, but we always try to go on because we love movies, we love the industry. For us this is life. Iyang naging problema ng anak ko ngayon, hindi ako nakikialam. My son is very independent. Pero naintindihan ko siya, there was a time naging problema ko rin ganyan.

“We try to make good movies. Naturally we hope to win award when we do one. Dati naman nakikita ninyo, Regal ang gumagawa noong mga magagandang pelikula talaga, because we spend for it. Minsan napu-frustrate ka dahil sa nangyayari. I just hope they change,” sabi ni Mother Lily.

Palagay namin tama naman ang kanyang sinasabi. Doon sa mga itinuturing na major film companies noong araw, wala nang nagpapatuloy pa kung ‘di ang Regal. Hindi natin maikakaila na sila iyong tuluy-tuloy na gumagawa ng pelikula.

Iyang mga ganyang producers ang dapat na tulungan.

Show comments