TV5 makikipagsabayanan na sa Kapamilya at Kapuso sa 2016!

Nakipag-meeting si Robin Padilla kay Boss Vic del Rosario, ang big boss ng Viva Films at Chief Strategist ng TV5.

May mga nag-isip na baka may inaalok na television show kay Robin si Boss Vic dahil sa susunod na taon, magiging active na ang Viva sa pagpo-produce ng mga bagong programa para sa Kapatid Network.

May nagkuwento sa akin na nagsisimula nang makipag-usap si Boss Vic sa mga artista na balak niya na bigyan ng regular show sa TV5. Mahusay na strategist si Boss Vic kaya hindi nagkamali ang TV5 management sa pagkuha sa kanya dahil tiyak na makikipagsabayan sa 2016 ang Kapatid Network sa GMA 7 at ABS-CBN.

Robin walang dahilan para tumanggi kay Boss Vic

At home na at home na si Robin Padilla sa TV5 dahil ito ang nag-produce ng sitcom ng Padilla siblings, ang 2 ½ Daddies at ang talent show nila ni Mariel Rodriguez, ang Talentadong Pinoy 2014.

Kung sakaling may offer si Boss Vic kay Robin, wala akong nakikitang dahilan para tumanggi ang action superstar.

Gusto nang maging misis Maine inangkin na ang apelyido ni Alden

Kilig na kilig kahapon si Maine Mendoza kay Alden Richards. Parang in love na in love na siya kay Alden, lalo na nang sabihin niya na Faulkerson na ang kanyang apelyido.

Ang Faulkerson ang tunay na family name ni Alden at hindi itinatago ni Maine ang kilig kapag nag-eeklayan sila ni Alden sa split screen ng kalyeserye ng Eat Bulaga.

Nag-aalala na nga pala ang fans dahil one week nang hindi napapanood si Jose Manalo sa kalyeserye.

Gustong malaman ng fans ang tunay na dahilan ng no-show ni Lola Tinidora. Hindi raw kumpleto ang panonood nila ng kalyeserye kapag wala ang karakter ni Jose.

Buena Familia, extended na

May show ngayon sa Nepo Mall ang cast ng Buena Familia at ng Because of You, ang coming soon primetime teleserye ng GMA 7.

Sina Kylie Padilla, Mona Louise Rey, at Martin del Rosario ang mga representative ng Buena Familia sa Nepo Mall, Dagupan City.

Magsisimula ng 4 p.m. ang mall show na pinakahihintay ng mga kababayan natin sa Dagupan.

Extended hanggang January 2016 ang airing ng Buena Familia dahil sa mataas na ra­tings ng afternoon drama series nina Kylie at Martin.

Sef focus na sa sariling show

Malabo pa na bumalik si Sef Cadayona sa Vampire Ang Daddy ko dahil may Season 2 ang kanyang sitcom sa GMA 7, ang Juan Tamad.

Magsisimula sa November 22 ang Season 2 ng Juan Tamad kaya excited si Sef na happy dahil maganda ang response ng tele­viewers sa sitcom na pinagbibidahan niya.

Mga bago’t lumang artista ng GMA, pwede pa ring makasama sa Encantadia

Naghahanap ang GMA 7 ng mga gaganap na Pirena, Danaya, Amihan, at Alena sa television remake ng Encantadia.

Magsisimula sa susunod na buwan ang auditions para sa hit telefantasya na ibabalik ng Kapuso Network sa 2016. Puwedeng sumali sa auditions ang mga baguhan at datihan nang artista ng GMA 7.

Si Mark Reyes pa rin ang direktor ng TV remake ng Encantadia na nagpabago sa television landscape noong 2005. Maulit pa kaya ang success ng Encantadia sa 2016?

Malalaman natin ang sagot kapag umere na ang bagong version ng Encantadia.

Show comments