Masculados DOS member na si Ozu Ong pinatay matapos nakawan ng sasakyan

Talagang nakakaalarma na ang peace and order situation ngayon dito sa a­ting bansa. Hindi mo na masasabi kung ano ang mangyayaring kasunod. Walang nakasisiguro sa kaligtasan ngayon. Tingnan ninyo ang nangyari sa singer at miyembro ng grupong Masculados Dos na si Ozu Ong. Bigla na lang siyang binaril ng mga armadong lalaki sa tapat ng Primrose Subdivision sa Antipolo, Rizal noong Linggo ng madaling araw, mga alas-kuwatro raw ng u­maga nangyari ang indisente. Diumano, pauwi na ang singer mula sa isang show sa Quezon City.

Tinangay ng mga armado ang kanyang minamanehong sasakyan, isang Toyota Hilux na may plate number na AAO 2722. Isinugod pa si Ong sa ospital pero nasawi rin siya. Nagulat na lang kami nang makita namin iyan sa isang report ng GMA News TV. Ganoon katindi ang kriminalidad ngayon.

Minsan magtatanong ka tuloy, saan ka pa ba makakapunta na siguradong ligtas ka? Wala na silang pinipili. Natatandaan din namin noon iyong kuwento tungkol sa isa pang actor, si Vice Mayor Isko Moreno. Galing lang siya sa GMA 7 dahil sa Walang Tulugan. May nagpahinto rin ng minamaneho niyang sasakyan diyan sa Tomas Morato sa Quezon City. Akala niya checkpoint lang kaya huminto siya. Tinutukan na nila si Isko, tapos ibinaba sa may Quezon City Hall at tinangay na ang kanyang sasakyan. Hindi lang artista iyan, vice mayor pa, pero na­ging biktima rin ng agaw kotse.

Ang mga sasakyan, supposed to be ay “extention of the home”. Kung sa loob mismo ng sasakyan mo ay maaari kang patayin, maliwanag na sa loob din ng bahay mo maaari kang pasukin na lang basta at patayin, at nangyayari na rin naman iyan. Saan ka pa ngayon safe?

Noong araw, car napping lang eh. Iniwan mo ang sasakyan mo, iyon ang nanakawin nila. Ngayon nakasakay ka mismo sa sasakyan mo, na­nakawin nila at papatayin ka pa. Wala tayong masisisi diyan, pero hindi kaya masyadong maluwag ang ating pagpapatupad ng batas? Hindi nga kaya dapat nang ibalik ang death penalty sa mga kasong kagaya niyan?

Donita napigilan ang pagkawasak sa pamilya

Ngayon inaamin na ni Donita Rose ang kato­toha­nang muntik na silang magdiborsiyo ng kanyang asawang si Eric Villarama. Wala namang ibi­nigay na dahilan si Donita maliban sa katotohanan na magkalayo kasi sila. Ang asawa niya ay nasa U.S. dahil naroroon ang trabaho nito. Si Donita naman ay piniling magbalik sa Pilipinas at itinuloy ang kanyang showbiz career.

Noong nagho-host lamang siya ng isang mor­ning show, nakakasaglit pa rin siya sa U.S. kung saan naroroon ang kanyang pamilya. Nang malaunan tumanggap na rin siya ng isang teleserye na dahilan kung bakit naging imposible ang pag-uwi niya sa U.S.

Inamin niya, kumuha na ng abugado ang kanyang asawa para ayusin ang kanilang divorce, at talaga sanang aabot na sila sa pirmahan, hanggang isang araw ay na-realize nila na may magagawa pa naman sila sa problema nila, at mahal pa rin nila ang isa’t isa.

Iyan ang sinasabi namin eh. Ang kasal ay hindi legal papers lamang. Ang kasal ay kasunduan ng dalawang tao na sila ay magsasama sa hirap at ginhawa. Wala namang ikinasal na nagsabing magsasama lamang sila sa sarap, at bahala na pagdating ng hirap.

Kanya-kanyang pananaw iyan eh. Ang paniniwala kasi namin, ang kasal ay isang sakramentong ginawa o itinakda ng Diyos mismo. Ibig sabihin ang pagkakasal sa dalawang tao ay isang pagsasamang pinahintulutan ng Diyos. Hindi rin naman tama na basta na lang sila maghiwalay at magkalimutan na lang.

Show comments