Bigating Kapuso stars susubukang pataubin si Daniel!

Aminado ang isang GMA-7 insider na apektado ang kanilang Let The Love Begin nang pumasok ang malakas na serye ng kanilang kalaban. Sa totoo lang, nasagasaan sila ng itinapat na serye ni Daniel Padilla. Mukhang napakahirap ngang banggain sa ngayon ng napakasikat na actor. Pero hindi naman patatalo nang ganoon na lamang ang GMA, kaya ngayon ang isusugal naman nila ay ang dalawa sa kanilang mga malalakas na leading ladies na sina Heart Evangelista at si Lovi Poe sa kanilang bagong serye, ang Beautiful Strangers.

Isang interior designer ang role ni Lovi. Isang plastic surgeon naman ang role ni Heart. Pareho silang magiging magkaibigan, magkakalaban at magkakatulungan sa kanilang buhay. Ang maganda pa sa seryeng ‘yan, suportado sila ng isang napakalakas na cast. Isipin ninyong pati si Boyet de Leon kasama sa seryeng ‘yan. Si Boyet ang lalabas na bad boy sa serye. Kung iisipin mo napakalaking bagay niyan dahil si Boyet ay isang actor na nirerespeto at kinikilala ng lahat ng mga kapwa niya actor. Kinikilala siyang isa sa pinaka mahusay of all time.

Isinasama rin sa kanila ang dalawa sa mga hopefuls ng GMA na sina Benjamin Alves at Rocco Nacino. On their own, nakagawa na rin naman ng pangalan ang dalawa.

Sa nakikita naming ginawa nila sa seryeng ‘yan, talagang naghahanda sila ng isang head on na laban sa isang malakas na serye. Ang magiging laban naman nila riyan ay nasa kanila ang mas maraming artista na kinabibilangan ng pinakamahuhusay. Para nga namang ang hirap sabihing palalampasin mo ang isang serye na bida na sina Heart at Lovi, kasama pa si Boyet.

Willie suko na sa laki ng nalustay sa Wowowin!

Dahil isa lang blocktimer sa kanilang network, hindi rin alam ng ilang insiders sa mismong GMA-7 kung totoo bang hindi na lalabas sa susunod na Linggo ang show ni Willie Revillame, pero aminado sila na ang naririnig nilang feedback ay hindi maganda ang naging resulta noon. Nalulugi daw ang show dahil hindi pa masyadong nakakakuha ng advertising support, samantalang napakalalaki naman ng premyong kailangang ibigay.

Kaya kung iisipin mo nga, sa mga premyo pa lamang na ipinamimigay nila, at sa cost of airtime na kailangang bayaran ni Willie sa network, hilahod talaga ang kanyang show.

Ni wala raw silang alam, pero inaamin nilang na­ririnig nila, na hinihingi ni Willie sa management na makuha ang 30 minutes na slot bago ang 24 Oras. Hindi rin nila alam kung ibibigay naman iyon ng management dahil sinasabi nga nilang malaki ang kita ng network sa mga seryeng pre-programming ng kanilang premier news program.

Noong una, hindi nahihirapan si Willie eh, kasi talent lang siya sa ABS-CBN, at wala siyang kailangang isipin kung ‘di ang kanyang hosting job. Noon namang mapunta siya sa TV5, host siya at producer ng show, pero hindi niya problema ang papremyo at ang pagbabayad ng airtime.

Ngayon sa paghahangad niyang makabalik sa telebisyon matapos na mapahinga ng isang taon, dahil wala namang takers simula noong umalis siya sa TV5, siya na ang nag-produce, at nagbayad ng airtime para sa kanyang show na kung iisipin mo ay talagang napakabigat.

Pero mas mabigat ‘yan kung gagawin pang daily.

Show comments