Liezl kapiling ang mga mahal sa buhay nang mamaalam
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - March 15, 2015 - 12:00am

Marami ang magugulat, at malulungkot dahil sa balita ng maagang pagpanaw ni Anna Lisa Sumilang, o lalong kilala natin sa tawag sa kanyang Liezl. Kaisa-isang anak siya ng sikat na love team noong araw na sina Amalia Fuentes at Romeo Vasquez, at asawa ng actor na si Albert Martinez.

Bagama’t matagal nang detected na mayroon siyang cancer, ang akala ng marami ay naka-survive na siya dahil ginawa naman ang lahat para maipagamot siya. Isa pa, naging aktibo na nga siyang muli at naging member pa ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board. Pero noong nakaraang Lunes, nagkaroon siyang muli ng ibang nararamdaman kaya isinugod siya sa Medical City. Doon na siya binawian ng buhay habang mapayapang natutulog sa ganap na 6:15 ng umaga kahapon, Marso 14.

Nasa tabi niya ang asawa na si Albert, ang mga anak na sina Alyanna, Alfonso at Alyssa, ganoon din ang mga magulang na sina Amalia at Romeo nang mapayapa siyang pumanaw.

Si Liezl ay sumikat din on her own bilang isang child star noong araw. Pero nang lumalaki na siya, pinili ng kanyang inang si Amalia na mag-aral na lang siya nang husto at hindi na nga pag-artistahin pa.

Naging kontrobersiyal ang kanyang ginawang pagpapakasal kay Albert Martinez dahil sa na­ging pagtutol noon ng kanyang ina sa maaga niyang pag-aasawa. Pero ipinaglaban niya iyon at naging maayos naman ang kanilang pamilya. Namuhay sila sa US, hanggang sa maisipan nga nilang magbalik na sa Pilipinas at harapin ang kanilang mga career dito sa bansa.

Talagang nakakagulat ang kanyang pagyao, at narinig namin mula sa kanyang tiyuhing si Cheng Muhlach, na nagsabing ang wake ay gaganapin sa Arlington Memorial Chapels.

Malungkot ang kuwento dahil marami rin namang naging kaibigan si Liezl sa show business, at ang kanilang pamilya naman ay hindi lang kini­kilala kundi marami ring kaibigan sa industriya. Pinsan niya sina Aga Muhlach at Niño Muhlach na kapwa sikat din in their own right.

Paolo napansin sa iskandalo ng TV host na si Rodner Figueroa at US First Lady Michelle Obama

Natutuwa kami kung may mga Pilipinong napapansin maski na sa ibang bansa. Kasi mukhang malabo pa sa panahong ito na ang ating mga ginagawang pelikula ay makapasok sa mga international theater circuits. At least ang mga artista naman natin kung mapapansin ay maaaring makuha para sa mga pelikula o TV shows sa abroad.

Natawag ang aming pansin ng balitang natanggal sa trabaho ang TV host na si Rodner Figueroa ng prog­ramang El Gordo Y La Flaca, nang magbigay iyon ng isang komentaryong itinuturing na racist laban kay US First Lady Michelle Obama, na binastos niya ay tinawag na “mula sa Planet of the Apes”.

Nagsimula naman iyon dahil sa ginawa ni Paolo Ballesteros na paggaya kay Obama sa pamamagitan ng make up na in-upload sa social media.

Kalimutan na natin ang comment laban kay Obama. Nakakatuwa na napapansin si Paolo Ballesteros. Para mapansin siyang ganyan sa abroad, aba eh magaling siya. Kung iisipin ninyo, nagsimula lang ang ginagawa niyang ganyan dahil sa isang pakulo nila sa kanilang noontime show na Eat Bulaga. Marami na ang ginayang international celebrities si Paolo, at talagang napapansin na siya sa ibang bansa, ngayon nga lang nagkaroon ng controversy at napag-usapan sa maraming international TV shows sa iba’t ibang bansa ang ginagawa niyang impersonation dahil ginaya niya si US First Lady Michelle Obama.

Dito sa atin, marami na ang gumagaya kay Michelle Obama ever since, pero si Paolo talaga ang pinakamagaling at siya lang ang napansin internationally.

AGA MUHLACH ALBERT MARTINEZ AMALIA FIRST LADY MICHELLE OBAMA PAOLO BALLESTEROS PERO RODNER FIGUEROA SIYA
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with