AiAi may trauma pa, takot na uling pakasal sa Amerika!

MANILA, Philippines – Walang kasalan na naganap o magaganap kay AiAi delas Alas at sa boyfriend na si Gerald Siba­yan kahit na nga magkasama sila ngayon sa Amerika. Ipinahatid ni AiAi ang pahayag niya sa nasulat na tsismis sa kaibigan niyang si Lito Alejandria ng Zirkoh Comedy Bar upang pasinungalingan na ‘yon ang dahilan kung bakit siya nasa Amerika ngayon.

“Walang basehan ang kuwento! Walang kasal-kasal na mangyayari kaya ‘wag na mag-imbento ng kuwento!” ipinarating ni AiAi kay Lito at ibinahagi sa amin ng huli.

Siyempre, natututo na si AiAi nang magpakasal sa boy­friend na si Jed Salang kung saan nagpakasal sila sa Las Vegas pero matapos ang ilang buwan ay tuluyan nang naghiwalay.

Kailangan nang pumunta sa States ni AiAi dahil last September ay na-approve na ang immigrant visa niya. Nitong February lang siya nagkaroon ng oras na makaalis. Sa pagpunta niya roon, bumili na rin siya ng bahay para matirhan ng mga anak na sina Sophia at Nicolo na nag-aaral ngayon sa Amerika.

Para hindi masabing echos lang ang pagbili ng bahay, ipina­dala ni AiAi ang kuha sa facade ng pu­ting bahay na binili niya. Ito na ang titirhan ng mga anak kahit na nga nandoon din ang ama nilang si Miguel Vera.

Pagbalik sa bansa ni AiAi, ang free concert niya sa May 16 sa SM Skydome naman ang kanyang gagawin. Libre ito para sa kanyang followers at upang makakuha ng free concert ticket, magpakita lang ng anumang item o merchandise ni AiAi gaya ng CDs, past concert tickets at iba pa.

Ang tentative title ng free concert ni AiAi ay I Am Who I Am at bale Mother’s Day concert na rin niya ito.

Sen. Bong patung-patong na ang problema

Patung-patong man ang problema ngayon ni Senator Bong Revilla, Jr., nana­naig pa rin ang pagiging ama nito sa mga anak lalo na ngayong nasa ospital ang anak na si Jolo Revilla. Naghain agad ng mosyon ang kanyang lawyer upang mabisita ang anak kahit tatlong oras man lang.

Although ayon kay Atty. Raymond Fortun, spokesperson ng pamilya Revilla, ay stable na ang kundisyon ng Vice Governor ng Cavite City matapos ang operasyon kahapon, hindi sapat ‘yon upang hindi mawala ang pa­ngamba para sa anak.

Wala pang sagot sa mosyon ni Sen. Bong ang Sandiganbayan as of this wri­ting. Pero kung pinayagan siyang magpatingin sa ospital nu’ng umaangal siya ng chest pains at migraine, justified naman ang reason niya na mabisita ang anak.

Gayunpaman, tiis-tiis muna si Sen. Bong at pamilya nito. Malapit na rin bumaligtad ang gulong ng buhay nila nina Sen. Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.

Maja, si Liza na lang ang ‘kalaban’ sa Primetime ng Kapamilya

Paghahatian nina Jericho Rosales at Paulo Avelino si Maja Salvador sa Bridges of Love. Mukhang solved ang ABS-CBN sa team up nina Echo at Maja sa The Legal Wife kaya muli na naman silang pinagsama.

But this time, solong-solo ni Maja ang pagre-reyna sa Primetime sa kategorya niya. Tanging ang baguhan na si Liza Soberano ang namamayagpag sa panggabing program ng Dos na Forevermore.  Wala munang mga Kim Chui, Bea Alonzo, at Angel Locsin.

Sa BOL, mararamdaman naman ni Maja kung paano pag-agawan ng dalawang lalaki hindi gaya ng teleserye niyang siya ang nang-aagaw ng lalaki, huh!

Show comments