Rita nape-pressure kay Cherie Gil

Hindi na nga raw napipigilan si Rita de Guzman na itodo na ang kanyang pagiging kontrabida sa bagong primetime series ng GMA 7 na Strawberry Lane.

Sa ginanap na press launch para sa naturang teleserye sa Imperial Pa­lace Hotel in Quezon City, si Rita nga ang nag-iisang kontrabida sa apat na bida ng Strawberry Lane na sina Bea Binene, Joyce Ching, Joanna Marie Tan, at Kim Rodriguez.

Malaking pressure para sa young singer-actress dahil kailangan daw niyang panindigan ang kanyang character lalo na ang name pa niya sa teleserye ay Lavinia na pangalan ni Cherie Gil sa Bituing Walang Ningning.

“Full force na po itong pagkokontrabida ko. As in, todong tarayan na ito. Masaktan na ang masaktan!” malakas na tawa pa ni Rita.

Naging kontrabida na siya kay Bea Binene sa Pahiram Ng Isang Ina at Alice Bungisngis; kay Kris Bernal sa The Last Prince; kay Louise delos Reyes sa Mundo Mo’y Akin; kay Barbie Forteza sa Paroa: Ang Kuwento Ni Mariposa; at kay Janine Gutierrez sa Villa Quintana.

 “Na-realize ko kasi na iilan lang kaming mga nagkokontrabida, lalo na po sa age ko.

“So kailangan galingan ko na ito kasi effective naman daw po ako. Tsaka nae-enjoy ko na ngayon. Before kasi, medyo pigil pa po ako. Ngayon nga, full force na,” natatawang pagbabanta pa ni Rita.

Pero nasa pangarap pa rin naman ni Rita ang maging bida balang-araw. Makilala man siyang kontrabida, nais din naman niyang maging bida rin.

Dating finalist sa Starstruck na si Prince magpapalit ng pangalan

Wala na palang kontrata si Prince Stefan sa GMA Artist Center kaya freelancer na siya ngayon. Nakausap namin ang young actor nang minsa’y makasabay namin siya sa isang restaurant sa Quezon City.

Pinagkakaabalahan nga ngayon ni Prince ay ang stageplay na Anastasia na itatanghal sa AFP Theater sa October.

“May kinausap naman ako to be my manager. Mukhang magiging okey naman. He can get me work kahit sa ABS-CBN 2 on a per project basis.

“Habang wala pa namang TV projects, busy ako with theatre. Thankful nga ako kay Gretchen Espina (Pinoy Idol grand winner), kasi siya ang producer namin sa stageplay na Anastasia.”

Tinanong namin si Prince kung naimbitahan ba siya ng GMA 7 para sa muling pagbabalik ng Starstruck?

Si Prince nga ang runner-up or First Prince noong Starstruck 4 kunsaan ang mga nanalo ay sina Aljur Abrenica (Ultimate Hunk), Jewel Mische (Ultimate Sweetheart) at Mart Escudero and Kris Bernal (Ultimate Loveteam). First Princess naman si Rich Asuncion.

Sey nga ni Prince na wala siyang natanggap na invitation from GMA-7 para sa anumang events ng Starstruck.

Regarding naman sa issue ni Aljur Abrenica laban sa GMA 7, nabalitaan ba niya iyon?

“May nagsabi lang po sa akin. Wala naman akong maku-comment kasi hindi ko alam ang tunay na nangyari. Tsaka hindi naman kami nagkakausap ni Aljur.

“All I can say siguro is that I wish him well. Sana maging okey ang lahat para sa kanya,” diin ni Prince.

Ibinalita rin ni Prince na baka magpalit na siya ng pangalan para makapagsimula siya ulit.

 

Show comments