Lance iingatan na ang bagong buhay

Puwede nang tawagin iron man si Lance Raymundo dahil sa huling resulta ng CT-scan niya last week ay humalo na ang laman sa ikinabit na maskarang bakal sa mukha niya.

At kaya naman pala inabot ng mahigit na P2M ang gamutan ay dahil sa meron siyang isang ENT doctor para sa nabali niyang ilong at nabasag na cheekbones, idagdag pa ang tatlo niyang neurologist dahil nabasag at bumaon ang 95 pounds na bakal sa bungo niya, isang ophthalmologist para sa lumuwa niyang kaliwang mata na nabulag, at isang anesthesiologist. Sa unang operasyon pa lang ‘yun nung March 25 at  iba pa ‘yung apat uling doktor sa second operation nito last April 29. Plus ang ikinabit pang titanium steel na forever nang maskarang nagsisilbing mukha nito. Kapag hinipo mo ang kanyang baba ay talagang matigas na bakal kaya malalaman mong may nakabalot sa kanyang mukha.

Itinuturing niyang second life ito dahil nagkataon pang hindi agad nakuha ang bumaong bakal sa mukha ng aktor. Umaga kasi nangyari ang aksidente at konti pa lang ang tao sa gym kaya nahirapan din ang kanyang instructor para buhatin ang barbell at dalhin siya sa ospital.

Nagpakatagtag naman si Lance habang nagpapagaling para sa kanyang pamilya. Batu-bato at siga raw siya pero hindi niya nakayang tingnan na umiiyak ang kanyang mommy. Nagsilbi ring bonding ng kanilang pamilya ang nangyari sa kanya.

Mabilis namang naka-recover si Lance dahil na rin sa bata pa ito at ‘yung pagiging natural athlete niya at healthy lifestyle ay nakatulong nang malaki. 

Hindi pa rin nadadala si Lance dahil hindi raw siya natatakot bumalik sa gym pero after four months pa siya puwedeng magbuhat muli. Pero hindi na siya babalik sa dati niyang gym, para hindi naman daw mailang sa kanya ang tao roon lalo na ang kanyang dating instructor na kaibigan din niya. Simpleng tao lang daw siya kaya kahit sa mga ordinary gym ay okey na naman sa kanya. Pero inaalok ng daddy niya na sa Fitness First na siya magbuhat ng barbell at pinag-iingat na siyang mabuti.

Sa kabila nito, natutunan naman niyang magpatawad at magaan daw ito sa kanyang  loob. Tumibay din ang kanyang faith dahil sa grabeng nangyari sa kanya at lalo pang nag-develop ang pagkakaroon niya ng positibong pananaw sa buhay.  Naging aware at maingat na rin ang mga gym enthusiast na katulad niya dahil sa kanyang experience.

Bago pa man mangyari ang aksidente ay kabi-break lang nila ng non-showbiz GF nito na umabot sa five years ang relasyon.

Pero at least dapat din saluduhan ang mga doktor sa Cardinal Santos Hospital dahil meron tayong mga specialist  sa bansa tulad nila. Hindi na kinakailangang pumunta sa ibang bansa ni Lance na inabot lang ng mahigit na dalawang buwan ang gamutan at heto nga’t mas gumuwapo pa siya kesa sa dati. Bumalik na rin sa normal ang eye sight nito kaya tuloy din ang buhay ng aktor.

Samantala may dalawang bagong pelikulang ginagawa si Lance, ang isa ay Australian movie at ang isa nama’y  sa pangunguna ni Direk Elwood Perez.

Show comments