Pat nakaramdam na special sa Biggest Loser

MANILA, Philippines - Kasabay ng pagbabago sa pangangatawan at pagpayat ng bigating doubles sa The Biggest Loser Pinoy Edition, unti-unti na ring nagbabago ang samahan ng ilan sa kanila, lalo na sa pagitan ng tinaguriang bagong magka-love team na sina Pat at Ralph.

Ito ay matapos magtapat si Ralph na inspirasyon niya sa loob ng Biggest Loser camp si Pat at sabihing ang determinasyon ng dalaga ang pinakagusto nitong katangian. Madalas na nagkakasama ang dalawa sa mga workout, at kahit ang ilang bigating doubles ay napapansin at tinutukso na rin ang kanilang pagiging malapit sa isa’t isa.

“Nararamdaman ko talaga ang connection namin ni Ralph. Sabi nga ni Christian (kapatid ni Ralph), hindi talaga siya makuwentong tao, wala siyang friends masyado. Kaya nakakatuwa na rito sa camp, siya pa mismo ‘yung nag-open up sa akin. Ang sarap ng pakiramdam na may mga tao pa palang special ang tingin sa akin. Ang tagal ko na kasing hindi na-feel ’yun,” ani Pat.

Sa katunayan, sa dance competition ng programa ay makikilala na ni Pat ang nanay nina Ralph. Makakaharap naman ni Ralph ang tatay ni Pat, ang aktor na si William Martinez. Boto kaya ang mga magulang nina Pat at Ralph sa pagiging malapit nila? Umpisa na ba ito ng mas malalim na pagkakaibigan ng dalawa?

Sundan ang kuwento ng pagbangon at pagbabago ng bigating doubles sa The Biggest Loser Pinoy Edition Doubles mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Aquino & Abunda Tonight sa ABS-CBN Primetime Bida, at tuwing Sabado pagkatapos ng Maalaala Mo Kaya.

 

Show comments