Lumang kanta ni Kuh biglang sumikat sa MHL

May dalang kilig talaga ang My Husband’s Lover kung kilig at kilig lang ang pag-uusapan at hindi ang relasyon ng dalawang parehong lalaki. Maayos naman ang pagdadala ng head writer na si Suzette Doctolero at ng direktor na si Dominic Zapata ng GMA 7 series kaya cute at may class ang dating ng beking lovers na sina Eric (Dennis Trillo) at Vincent (Tom Rodriguez). Mahihinhin at edukado rin kasi sila sa serye. Sa mga nag-iilusyon ng katulad ng relasyon ng dalawang bida, pang-gulo lang tuloy si Lally (Carla Abellana).

Hindi naman siguro ang mangun­sinti sa third sex love affair ang layunin ng Kapuso Network nang mapangahas nilang binuo ang My Husband’s Lover. Kahit hindi mapanood sa telebisyon ay matagal nang may ganitong sitwasyon sa lipunan ang ilan sa liberal mag-isip na mga bakla, o kahit tomboy. 

May isip naman ang televiewers, maaaring nae-enjoy nila ang palabas pero hindi ibig sabihin ay pabor sila sa takbo ng buhay nina Eric, Vincent, at Lally. Puwede ring kabaligtaran. Basta kung ayaw nang nanonood ay puwede namang bumitaw na lang.

Ang isa pang atraksiyong maituturing sa palabas ay ang theme song na One More Try ni Kuh Ledesma. Nagmukhang bago sa pandinig ng mga tao ang lumang hit ng Pop Diva. Nakadagdag ito sa lambing, pait, at haplos ng istorya ng dalawang bading na nagmamahalan. 

Kaya lang dapat mas gabi pa ang palabas para tulog na ang mga bata.

***

May ipare-rebyu?

E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

Show comments