^

Punto Mo

Sino ang totoong mahirap?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA pinakahuling self-rated poverty survey na ginawa ng Social Weather Station, lumabas na 43 porsyento ng mga Pilipino ay nakikita ang kanilang sarili na mahirap, 39 porsyento ay itinuturing ang kanilang sarili na nasa hanggahan o borderline ng pagiging mahirap, samantalang 19 porsyento ang naniniwalang hindi sila mahirap. Ibig sabihin, mahigit sa 80 porsyento ng mga Pilipino ay nakikita ang kanilang sarili na mahirap.

Ayon sa mga economic experts, ang isang pamilyang may limang miyembro ay kailangang kumita nang hindi bababa sa P12,082 kada buwan para hindi masabing mahirap, pero dahil sa pandemya, tumaas na ito sa P15,000 kada buwan. Gayunman, ang self-rated poverty survey ay hindi gumagamit ng anumang pamantayan, ang tanging inaalam ay ang pananaw ng tinatanong kung siya’y mahirap o hindi. Kaya maaaring mangyari na sa pananaw ng isang tao siya’y mahirap gayong hindi naman pala. Ang tawag dito’y “perception” na may malaking impluwensiya sa asal at ugali ng isang tao. Sabi ng American author na si Wayne W. Dyer, “Baguhin mo ang pagtanaw mo sa isang bagay, at ang bagay na iyon ay mababago.”  Ang ating pananaw ay nauuna sa realidad.

Mahirap talaga tayo, sa pananaw man o realidad. May isang uri ng kahirapan dito sa atin na mas lumalala pa kaysa kahirapang pangkabuhayan. Ito ang “poverty of values” o “moral poverty,” ang patuloy na pagbagsak ng ating moralidad, ang hindi na natin pagpapahalaga sa magagandang katangian na dati nating pinahahalagahan bilang isang bansa at isang lahi. Napakalaking kabalintunaan nito, sapagkat tayo’y isang bansang Kristiyano. Dapat sana’y may mataas tayong pagpapahalaga sa mga “moral values” na itinuro at ipinamuhay ni Hesus, na katulad ng pagmamahal sa katotohanan, katarungan at katwiran. Madalas ay naitatanong ko, pinakikinggan pa ba ng mga tao ang katuruan ng simbahan tungkol sa kabutihan at kabanalan?  

Mayroon tayong “moral poverty.” Bumabagsak ang tinatawag na “moral fiber” ng ating lipunan. Parang telang panipis nang panipis ang ating moralidad at kung hindi mapipigil ay tiyak na mapupunit sa lalong madaling panahon. Sa halip na kamuhian, pinararangalan natin ang katiwalian sa pamamagitan ng paulit-ulit na paghahalal ng mga pulitikong nasangkot sa katiwalian. Sa halip na kastiguhin, tinatawag nating magaling ang mga taong hindi nahuhuli o nakakasuhan sa kabila ng pagnanakaw ng limpak-limpak na salapi ng bayan. Sa halip na ibasura ang mga balitang malinaw namang peke, nila-like pa natin at isini-share sa iba. Sa halip na igalang ang kasaysayan, natutuwa pa tayo kapag ito’y binabaluktot. Sa halip na malungkot, humahagalpak tayo sa tuwa kapag ang isang mataas na lider ay nagmumura at nagkukuwento ng kabastusan.

Ang “moral poverty” ay higit na mapaminsala kaysa “economic poverty.” Winawasak ng “economic poverty” ang pamumuhay ng tao, ngunit winawasak ng “moral poverty” ang buhay mismo ng tao bilang nilikhang kawangis ng Diyos.  Inaalis ng “economic poverty” ang kasiyahan ng isang tao, ngunit inaalis ng “moral poverty” ang karangalan ng isang tao. Sabi ni Hesus Sa Marcos 8:36, “Sapagkat ano ang pakinabang ng tao makamtan man niya ang buong sanlibutan kung mapapahamak naman ang kanyang buhay?”

Ito ang pinakamabigat na laban na dapat nating pagkaisahan, sapagkat ang nakataya rito’y ang ating puso’t kaluluwa bilang isang bansa.

vuukle comment

POVERTY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with