^

Punto Mo

Kasal na ­papasukin para sa foreign ­citizenship lang, puwede bang ­ipawalang bisa?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

May nakilala po akong foreigner at pumayag po siyang magpakasal sa akin dito para matulungan akong makapag-migrate at maging citizen sa bansa niya. Tanong ko lang po, kung sakaling hindi po matuloy ang pag-migrate ko o sakaling hindi po ako maging citizen at kailangan ko pong bumalik dito sa Pilipinas, maari ko po bang ipa-annul ang aming kasal dahil wala naman kami talagang plano na maging mag-asawa? —Jeff

Dear Jeff,

Hindi puwede sa ilalim ng ating batas ang pinaplano mo. Unang-una, tanging ang batas lang ang maaring magtakda ukol sa bisa ng kasal. Hindi ito maaring dumepende sa anumang kasunduan. Valid ang isang kasal basta’t nasa wastong edad ang mga ikakasal at ang bawat isa sa kanila ay may consent o pagsang-ayon sa pagpapakasal, na malaya nilang ibinigay ng walang pagpipilit o pananakot; valid na marriage license; at marriage ceremony. Kung lahat ng iyan ay kumpleto, may bisa ang kasal sa kabila ng anumang motibo ng mga partido.

Ayon sa Korte Suprema sa Republic v. Albios (G.R. No. 198780, 16 October 2013), hindi na pakikialaman o didiktahan ng Estado kung ano man ang motibo ng mga indibidwal para sa kanilang pagpapakasal dahil magiging paglabag na ito sa karapatan sa privacy at sa kalayaan ng mga mag-asawa na magdesisyon sa takbo ng magiging buhay nila.

Kahit pa may ibang motibo sa pagpapakasal ang isang tao bukod sa pag-ibig, katulad ng pera o para mapaunlad ang katayuan nila sa buhay, valid o may bisa pa rin ang isang kasal basta’t kumpleto ang mga nauna ko nang nabanggit na requisito sa ilalim ng batas.

Maaring may nakapagsabi sa iyo na may tinatawag na “marriage in jest” o kasalang biru-biruan lang na walang bisa. Hindi naaangkop ang konseptong ito sa sinasabi mong plano mo dahil sa “marriage in jest”, wala ang tinatawag na “consent” o pag-sang-ayon para magpakasal at ginawa lamang nila ang kunwariang pagpapakasal bilang isang biro.

Sa sitwasyon mo, may consent talaga kayong magpakasal ng kaibigan mong foreigner. Iyon nga lang, ang layunin n’yo ay hindi para mamuhay bilang mag-asawa at bumuo ng pamilya katulad ng karamihan at bagkus para lang ikaw ay makapag-migrate at maging isang foreign citizen. Sa kabila nito, magkakaroon pa rin ng bisa ang kasal n’yo kung kumpleto ang lahat ng requirements at hindi mo ito mapapawalang-bisa sa kadahilanang para lamang ito sa kagustuhan mong manirahan sa ibang bansa.

 

vuukle comment

WEDDING

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with