Duterte balik na sa Davao
MANILA, Philippines — Bumalik na sa Davao City si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos lisanin kahapon ang Malacañang.
Kinumpirma ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon na hindi sasakyan ng gobyerno ang ginamit ni Duterte pabalik ng Davao kundi isang commercial flight.
“After this, ang alam ko uuwi siya ng Davao mamaya. I’m not sure, he might pass by the residence diyan sa kabila then go to Davao. Mag-commercial flight siya,” ani Esperon.
Bago ang tradisyonal na send-off ceremony para kay Duterte, tinanggap muna niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Palasyo kung saan sandali silang nag-usap na sinundan nang pagtungo ni Marcos sa National Museum of Fine Arts sa Lungsod ng Maynila ay pag-alis ng dating pangulo sa Malacañang.
Sa video na ibinahagi ni dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, kinunan nito ng mensahe si Duterte para sa mga mamamayan.
Sinabi ni Duterte na dapat suportahan at tulungan ang bagong administrasyon.
Para naman sa mga dating miyembro ng kanyang Gabinete, sinabi ni Duterte na sa tingin niya ay nabuo niya ang isa sa pinakamalaking Gabinete.
Bagama’t bumaba na sa kapangyarihan, matatandaan na sinabi ni Duterte na nakahanda siyang magbigay ng payo sa mga bagong pinuno at nangakong ipagpatuloy ang paglaban sa ilegal na droga, ang kanyang panghabambuhay na adbokasiya.
- Latest